ANG mga katutubo ay kapwa natin Pilipino. .Tahimik at maayos silang namumuhay sa mga bundok. Tinatawag din silang indigenous people at Lumad. May sariling tradisyon at kultura tulad ng mga nasa bayan at lungsod. Sa mga kabundukan sa lalawigan ng Pilipinas ay may naninirahang mga katutubo. Sa Rizal, ang mga katutubo ay tinatawag na Dumagat at Remontado. Tahimik na namumuhay at nagtatanim sa kanilang ancestral land na minana sa kanilang ninuno. Ang mga Dumagat at Remontado sa Rizal ay nasa mountain barangay ng Tanay.
Ang iba’y nasa Antipolo na tinutulungan ng pamahalaang panlalawigan, local government at city government. Sa Brgy. Sta. Ines na pinakamalayong barangay sa bundok ng Tanay, bukod sa school building sa elementarya, ang pamahalaang panlalawigan ng Rizal ay nagtayo rin ng National High School building para sa mga Dumagat at Remontado. Ang mga nagtuturo ay mga Dumagat at Remontado na nakatapos ng kolehiyo. Kasama sa nagtuturo ang mga gurong tagabayan na lingguhan kung umuwi. Ang DepEd- Rizal ay may Alternative Learning System (ALS) para sa mga hindi nakatapos na Dumagat at may health center para suriin ang kanilang kalusugan.
Kakaiba naman ang nangyayari sa ating mga katutubo sa kabundukan ng Southern Mindanao dahil pinapatay at inaagawan ng lupa. Mula noong 2010, umaabot na sa 68 indigenous people ang pinatay ng mga utak-pulbura. Kabilang sa pinatay ay ang mga lider ng cultural communities. Ang dahilan: mahigpit na ipinaglalaban ang kanilang ancestral domain.
Matatandaang noong Setyembre 1, 2015 ay natagpuang patay sa loob ng silid-aralan sina Emerico Samarca, Dionel Campos at kanyang pinsan na si Aurelio Sinzo. Si Samarca ang school director ng Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood Development.
Ayon sa Katutubo Partylist (Katipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas) at ng pamahalaan ng Surigao del Sur, ang AFP Magahit Bagani, paramilitary unit ang may pananagutan sa mga pagpatay. Ayon naman kay Surigao del Sur Johnny Pimentel, ginagamit ng AFP ang Magahit Bagani bilang puwesa ng paramilitary sa kanilang inter-insurgency campaign.
Ang pagpatay sa mga katutubo ay may kaugnayan sa hangarin ng mga tusong negosyante, kasabwat ang mga bulok na pulitiko na maagaw ang lupa ng mga Lumad. Bukod sa pagpatay sa tatlong Lumad, marami pang kasong extra judicial killing sa mga Lumad at mga pamilya ng indigenous people. May pinatay sa Misamis Oriental, Bukidnon, Davao del Sur, at Boracay.
Ang mga katutubo ay mga kapatid natin na tahimik na namumuhay sa kanilang mga ancestral land. Marapat na sila’y tulungan ng gobyerno at bigyan ng makataong kawanggawa. Nakalulungkot na sa pakikipaglaban at pagtatanggol sa kanilang mga karapatan, sila’y itinuturing at tinatrato na mga kriminal. Inuutas ang buhay sa sigaw at tungayaw ng mga baril at bala. Kailan kaya mahihinto ang pagpatay sa mga katutubo? (CLEMEN BAUTISTA)