CABANATUAN CITY – Isang linggo matapos manalasa ang bagyong ‘Lando’, umaaray ngayon ang mga Novo Ecijano sa pagdoble ng presyo ng gulay at isda sa iba’t ibang pamilihang bayan sa Nueva Ecija.
Ayon kay Engr. Bobby Pararuan, ng Cabanatuan Economic Enterprise Management Office (CEEMO), wala silang magagawa sa pagsirit ng presyo ng gulay: ang kamatis na dating P40 kada kilo ay P80 na ngayon; labanos, P35 naging P55; patatas, P30 noon, P55 na ngayon; talong, P35 naging P55; repolyo, P65 naging P100; at ang calamansi ay nasa P80-P90 bawat kilo.
Ang taas-presyo ay bunsod ng matinding pinsala ng bagyo sa mga taniman ng gulay, bukod pa sa tumaas din ang bayad sa pagbibiyahe patungo sa mga bagsakan center.
Sa bentahan ng isda, ang bangus ay nasa P140 kada kilo na; ang tilapia ay P120 na ang dating P90 kada kilo; habang ang dalagang bukid ay nasa P180.
Wala namang pagbabago sa presyo ng National Food Authority (NFA) rice, na nasa P27-P32 pa rin. Hindi rin gumalaw ang presyo ng karneng baboy at manok, at instant noodles at de-lata.
Ipinatutupad ng Department of Trade and Industry (DTI) ang price freeze sa mga lugar na isinailalim sa state of calamity.
Samantala, nanawagan ang mga taga-Sitio Digisit sa Barangay Zabali sa Baler, Aurora, na tulungan sila sa pagpapagawa ng kanilang mga bahay na sinira ng bagyong Lando.
Ayon kay Gng. Leonarda Sugcang, residente ng Baler, hindi sila naisama sa listahan ng mga benepisyaryo dahil partially damaged lang ang kanilang mga bahay.
Hiling ng mga residente na mabigyan sila ng construction materials para maitayong muli o makumpuni ang mga nasira nilang bahay.
Sinabi pa ni Sugcang na nitong Sabado ay tumanggap sila ng ilang pakete ng relief goods, pero ilang araw lang ang itinagal nito, at hindi na muling namahagi ng tulong ang lokal na pamahalaan.
Idinaing din ng mga residente na hanggang ngayon ay wala pa ring kuryente sa Baler. (Light A. Nolasco)