SA nakalipas na mga taon, naglalahad ang mga public opinion survey ng iba’t ibang resulta tungkol sa opinyon ng mamamayan sa iba’t ibang usapin. Ang mga isyu tungkol sa ekonomiya at labis na kahirapan ay madalas na pangunahing tinututukan nila, higit pa sa mga usapin sa kapayapaan at kaayusan at pakikipag-ugnayan sa ibang bansa.

Mauunawaang nakatuon ang pansin ng gobyerno sa opinyon ng publiko tungkol sa pamamahala nito at sa tiwala at kumpiyansa sa mga opisyal nito. Sa huling ulat ng Pulse Asia, ang approval at trust ratings ng Pangulo ay nasa 54 na porsiyento at 49 na porsiyento, ayon sa pagkakasunod. Sa sariling survey ng Social Weather Stations (SWS), nag-ulat ito ng plus-37 net satisfaction rating para sa gobyerno, na inilarawan bilang “good”.

Makalipas ang ilang araw, inilabas naman ng public relations firm na EON ang Public Trust Index (PTI) 2015 nito, na nagkaloob sa Simbahan ng pinakamataas na rating na 73 porsiyento, kasunod ang akademya na may 51 porsiyento, at media, 32 porsiyento. Ang gobyerno ay may rating na 12 porsiyento; negosyo, 9 na porsiyento; at non-government organizations, 9 na porsiyento. Sa gobyerno, ayon sa PTI survey, nakakuha ang Office of the President ng trust rating na 15 porsiyento; 10 porsiyento ang sa Senado; at ang Kamara de Representantes ay may 8 porsiyento.

May malinaw na pagkakaiba sa pagtukoy ng mga polling organization sa tiwala ng mamamayan sa gobyerno. Kaya naman nagdududa na ang ilan sa kakayahan at kahusayan ng iba’t ibang polling organization at sa kredibilidad ng opinion surveying sa kabuuan. Magugunita ang ilang kahiya-hiyang kapalpakan ng opinion surveying sa United States, partikular ang isang nagbunsod sa isang pahayagang Amerikano na i-headline ang pagkapanalo ni Tomas Dewey, dahil sa malaki nitong lamang sa surveys, kay Harry S. Truman noong 1946.

Mayroon din siyempreng pagdadalawang-isip sa poll surveying. Maaaring ang mga respondent ay hindi nagsasabi ng katotohanan sa mga survey interviewer. Ang aktuwal na resulta ng eleksiyon sa Pilipinas ay posibleng iba sa sinasabi ng mga survey, at isang dahilan nito ay ang madaling pagpapalit ng isip ng mga Pilipinong botante, bunsod ng iba’t ibang dahilan.

Maaaring gamitin ng mga kandidato ang mga survey upang tulungan at gabayan ang kanilang estratehiya sa pangangampanya. Magagamit naman ng mga opisyal ng gobyerno ang mga survey para mapulsuhan ang mamamayan sa iba’t ibang usapin, at makatutulong ito sa pagbubuo ng mga programa para matugunan ang mga pangangailangan ng publiko.

Ngunit hindi nila dapat kalimutan na ang pagsasarbey ay hindi isang eksaktong siyensiya at nakadepende ito sa iba’t ibang variable, gaya ng kahusayan ng nagsasagawa ng survey at ang kahandaan ng mga respondent na ipahayag ang tunay nilang opinyon. Sa atin naman na tumatanggap ng mga ulat tungkol sa mga resulta ng survey, pinakamainam na maging bukas ang ating isipan, at magkaroon ng kamulatan sa posibilidad na may pagtatangkang tayo ay maimpluwensiyahan, lalo na ngayong panahon ng eleksiyon.