WALANG makakapigil sa tumitinding pagnanais ng mga corporate executive na magpalawak ng kani-kanilang kumpanya sa kabila ng mabuway na stock market at lumalaking pangamba sa kahihinatnan ng pandaigdigang ekonomiya, partikular na ang sa China.

Ayon sa isang survey na inilabas kahapon, sinabi ng consulting firm na EY na ang sunud-sunod na mergers and acquisitions, o M&A, sa nakalipas na mga buwan ay magpapatuloy hanggang sa susunod na taon. Natuklasan nitong 59 na porsiyento ng mga pandaigdigang kumpanya ang nagpaplanong tiyakin ang kahit isang kasunduan sa susunod na 12 buwan, bilang paghahanda na rin sa magiging epekto ng humihinang pandaigdigang pagsulong habang nananamlay ang ekonomiya ng China.

Ang taya para sa Oktubre ay tumaas sa 56 porsiyento noong Abril at 40 porsiyento sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Kinakatawan nito ang pinakamataas na interest sa mga acquisition na natukoy ng survey ng EY sa pakikipagkasundo ng mga kumpanya sa anim na taong kasaysayan nito. Ang pinakamababang punto ay sa simula, nang 24 porsiyento lang ng mga kumpanya ang nagpahayag ng intensiyon sa takeover.

“With modest increases in global GDP, organic growth alone is not enough for companies to expand and reshape at the pace they need,” sabi ni Pip McCrostie, global head of transactions ng EY.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

“The search for growth is lifting deal-making to record highs, and executives are focusing on M&A to secure innovation, competitive advantage and market share for the foreseeable future,” dagdag niya.

Umarangkada ang M&A ngayong taon, ayon sa EY, umakyat na sa 35 porsiyento noong 2014 at mas marami ang malalaking kasunduan—tinatayang nasa mahigit $10 billion—sa 2015.

Sa unang bahagi ng buwang ito, nagkasundo ang dalawang pangunahing beer maker sa mundo na magsanib-puwersa upang magtatag ng isang kumpanya na kokontrol sa halos ikatlong bahagi ng pandaigdigang merkado. Ang lohika sa likod ng 69 billion-pound ($106 billion) takeover ng SAB Miller ng Britain sa Anheuser Busch InBev ay upang makaagapay sa lumalamyang konsumo ng beer sa maraming bahagi ng mundo.

Ang iba pang malalaking kasunduan ngayong taon ay ang kinukumpletong pagbili ng Royal Dutch Shell, sa halagang 47 billion pounds ($71 billion) sa BG Group, gayundin ang $62.6-billion merger ng Heinz at Kraft Foods, na tinatawag na ngayong Kraft Heinz.

Ayon sa EY, lumalabo na rin ang hangganan sa pagitan ng mga industriya, dahil 48 porsiyento ng mga executive ang nagpaplanong bumili sa ibang sektor, dahil nakaaapekto na ang makabagong teknolohiya sa halos lahat ng aspeto ng business chain. Partikular na aabangan dito ang mga sektor ng manufacturing at retail.

Handa na rin ang mga kumpanya na makipagkasundo sa labas ng kani-kanilang bansa. Ayon sa EY, 70 porsiyento ng mga respondent ang pinag-iisipan na ito, at inaasahan ang kabi-kabilang kasunduan sa 19 bansa sa eurozone sa harap ng pag-asam na naibsan na ang krisis sa utang na nakaapekto sa rehiyon kasunod ng bailout ng Greece.

Ang survey ng EY ay batay sa pagsasarbey sa mahigit 1,600 opisyal ng mga kumpanya sa 53 bansa.