Mga laro ngayon San Juan Arena

4:15 pm -- Foton vs RC Cola-Air Force

6:15 pm -- Cignal vs Petron

Inaasahang mag-iinit pa lalo ang hard-hitting na aksiyon sa women’s volleyball sa pagpapakilala ng Philippine Superliga (PSL) sa makabagong regulasyon na “video challenge system” sa dalawang matinding salpukan ngayon sa 2015 PSL Grand Prix sa The Arena sa San Juan.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Itataya ng nangungunang Cignal HD Spikers ang malinis na kartada kontra sa defending champion na Petron Blaze Spikers habang magsasagupa naman sa ikalawang laro ang Foton Tornadoes sa nagpapalakas na RC Cola-Air Force sa pambukas na labanan.

Maghihiwalay ng landas ang magsasagupa na Tordanoes at ang kapwa nito nagpapalakas na Raiders sa ganap na alas-4:15 ng hapon bago sundan ng saplukan ng HD Spikers na pilit pananatiliin ang malinis na karta sa pag-asam sa ikaanim nitong sunod na panalo kontra sa Blaze Spikers sa ganap na alas-6:15 ng gabi.

Kapwa bitbit ng RC Cola at Foton ang 1-3 panalo-talong karta habang solo sa liderato ang Cignal na may 5-0 karta at ang nasa ikatlong puwesto na Petron na may 3-2 kartada sa prestihiyosong inter-club tournament na suportado ng Asics katulong ang Milo at Senoh, Mueller at Mikasa bilang technical partner.

Nagpalakas sa paghanap ng bagong miyembro sa off-season, nakatuon ang lahat sa Cignal matapos sorpresang walisin ang unang round sa limang sunod na panalo sa tulong ng mga American import na si Ariel Usher na nagtala ng conference high 36 puntos mula sa 29 kills, 5 blocks at isang ace sa paghugot ng 26-19, 24-26, 25-23 at 25-17 panalo kontra sa RC Cola-Air Force.

Gayunman, inaasahan na magiging matinik na ang daan sa panalo sa HD Spikers sa pagsagupa sa Blaze Spikers na nakatuon sa pagtala ng matinding aksiyon sa ikalawang round ng torneo lalo na at nakataya ang mailap na tiket para sa AVC Asian Women’s Club Championship na gaganapin sa 2016 sa Manila.

Matatandaan na ang Petron na binubuo nina Brazilian import Rupia Inck at Erika Adachi pati si Rachel Anne Daquis, Frances Molina, Abby Marano at Dindin Santiago ay nagulantang sa pagkalasap ng limang set na kabiguan kontra Cignal sa pagsisimula ng liga noong Oktubre 10 sa Alonte Sports Arena sa Binan, Laguna.

“I’m sure Petron already made the adjustments and will come back stronger in the second round,” sabi ni Cignal coach Sammy Acaylar, na binabalewala ang kanyang malinis na kartada.

“Winning five straight games mean nothing, if we will not take home the championships. Yes, we swept the first round, but the second round is a different story. We’re practically back to zero so we have to remain hungry and keep on working,” sabi nito.

Nagawa naman ng Blaze Spikers na magwagi ng dalawang sunod bago muling nalasap ang kabiguan kontra Philips Gold at tinapos ang unang round na kampanya sa apat na set na panalo sa RC Cola-Air Force para sa 3-2 marka.

Inaasahan naman na magdadagdag ng kasiyahan sa maiinit na laban ang pagsasagawa ng video challenge system -- na state-of-the art volleyball technology na nagbibigay tsansa sa mga koponan na hamunin ang mga kuwestiyonable na tawag sa laban sa pamamagitan ng 16 high-definition cameras na ipapalabas sa giant LED screen na ilalagay mismo sa loob ng venue.

Sinabi ni PSL president Ramon “Tats” Suzara na ang aparato ay dinala nong Linggo ng umaga at gagamitin ngayon para sa dry run. Magsasagawa ng special briefing at technical meeting sa mga kasaping miyembro na isasagawa naman bukas bago ang kumpletong paglulunsad sa Huwebes.

Ang PSL ang unang club league sa Asia na gagamit ng pinakabago at kinikilala na cutting-edge technology.

“It’s going to be a game-changer,” sabi ni Suzara, na isa ding ranking executive sa International Volleyball Federation at Asian Volleyball Confederation. “The PSL is investing in this kind of technology to maintain the beauty of the game. This is our contribution to uplift the state of volleyball in the country.”

Sinabi naman ni Acaylar na ang video challenge system ay kumpletong magpapabago sa kalidad ng mga laro.

“As a coach, sometimes I also doubt the call of game officials. Tao lang din sila, may mga bagay na hindi din nakikita,” sabi ni Acaylar, na beteranong coach na giniyahan ang national team sa Asian Women’s Seniors Volleyball Championship at AVC Asian Men’s Club Championship ngayong taon.

“But with the video challenge system, we will be sure that the officiating will be fair, transparent and accurate.

This is really a giant step for the PSL and Philippine volleyball in general.” (ANGIE OREDO)