Posibleng umabot sa Luzon ang haze o makapal na usok mula sa Indonesia, na umabot na rin sa ibang bansa.

Sinabi ni Anthony Lucero, climatologist ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), na kabilang sa mga maaaring maapektuhan ng haze ay ang Metro Manila, makaraang umabot na ito sa ilang lugar sa Visayas at Mindanao.

Ayon kay Lucero, kapag muling nagkaroon ng sama ng panahon sa bansa, gaya ng bagyong ‘Lando’ na ang direksiyon ay pa-Luzon at West Philippine Sea, posibleng umabot na sa rehiyon ang makapal at mapanganib na usok na mula sa nasusunog na kagubatan sa Indonesia.

Kasabay nito, nagbabala kahapon ang Department of Health (DoH) laban sa matinding banta sa kalusugan ng paglanghap ng haze.

National

Eastern Samar, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

“Haze due to fire can cause air pollution, which can bring about increased risks for respiratory tract infections and cardiac ailments,” saad sa advisory ng DoH.

Nagbabala ang DoH sa publiko laban sa paglanghap ng haze, at pinayuhan ang mga residente sa mga apektadong lugar na limitahan ang paglabas-labas ng bahay.

Kung sakaling kailangang lumabas ng bahay, iginiit ng DoH ang pagsusuot ng mga protective mask, gaya ng dusts mask at industrial mask, at maging eye goggles. Pinaiiwas din ang publiko sa mabababang lugar dahil naroon ang concentration ng usok at pollutants na dala nito.

Pinaalalahanan naman ng DoH ang mga motorista na gumamit ng headlights at huwag masyadong magmamaneho nang mabilis dahil sa poor visibility.

Kapag nakaranas ng hirap sa paghinga, pag-ubo, pananakit ng dibdib, pagluluha ng mata, at irritation sa ilong at lalamunan matapos malantad sa haze, sinabi ng DoH na dapat na agad na kumonsulta sa doktor.

(Rommel Tabbad at Samuel P. Medenilla)