Anim na gintong medalya mula sa nakatayang siyam, ang hinakot ng defending champion sa Dancesports na mula sa Davao, City sa ikalawang araw na kumpetisyon ng 2015 Philippine National Youth Games (PNYG)- Batang Pinoy Mindanao Qualifiying Leg sa Gaisano Country Mall, South Cotabato.

Mayroon namang tatlong ginto ang iniuwi ng Koronadal, dalawa sa General Santos, at isa sa Tacurong City sa torneo na para sa mga batang atleta na may edad na 15-anyos pababa at nagsisilbing hagdan para makatuntong sa National Finals na gaganapin sa Cebu City sa Disyembre at posibleng silya sa national training pool.

Nagwagi para sa Davao City sina Irlich Christian Edullantes at Vanessa Madelo sa Juvenile A. Latin at ang pares nina Irlich Christian Edullantes at Ritzcel Anne Limsan sa Juniors-D Latin. Wagi din sina Dave Torres at Roshua Adela Daclan sa Junior-A Standard at sa Junior-C Standard category.

Ang dalawa pang pares na nagwagi ay sina Raniel Rafols at Layla Ice Cuasito sa Juvenile -A Standard at Kalie Clark Delute at Layla Ice Cuasito sa Juvenile - C Standard.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Iniuwi naman para sa host Koronadal City ang ginto mula kina Ronie Trinidad Jr at Arjannah Margarette Brua sa Juvenile-A Latin at sa Juvenile-C Latin habang nagwagi sina Denmark Umipig at Jane Heart Cabahug sa Juvenile-D Standard category.

Ang General Santos ay nagwagi sa tulong nina John Theo Puerto at Angela Marie Tatala sa Junior-C Latin at mula sa pares nina John Theo Puerto at Ainhie Love Pama sa Junior-D Standard.

Ang Tacurong City na nakapag-uwi ng ginto mula kina Kyle Ymalay at Dania Nicole Casipit sa Juvenile-D Latin.

Samantala, nakisalo sa mga multi-medalist ang 15-anyos na si Joselito Hapitan na tinuturuan ni dating Olympian at SEA Games record holder Henry Dagmil matapos na magwagi sa 100m at 400m. Itinala ng 5’5 na si Hapitan mula sa South Cotabato ang oras na 11.35 segundo sa 100m at 52.70s segundo sa 400m.

Hindi din nagpahuli ang 14-anyos at Grade 9 sa Don Pablo Lorenzo Memorial High School na si Ashley Azusada na matapos magwagi sa long jump ay isinunod ang gintong medalya sa kanyang paboritong event na 100m dash sa itinala nitong 13.2 segundo. Nakatakda pa itong sumabak sa 200m.

Dalawang ginto din ang napanalunan ni Marizel Buer ng South Cotabato matapos na unang magwagi sa Girls shotput ay idinagdal ang gintong medalya sa girls javelin throw.

Ang 14-anyos at Grade 8 sa Southern Mindanao Academy na nasa ikalawa nitong Batang Pinoy matapos umabot sa 2014 Finals ay itinala ang 9.71 sa shotput bago isinumite ang 38.23 metro na layo sa paghagis sa spear para sa kayang ikalawang ginto.

May tsansa pa na makatatlo si Buer na tatlong beses na nakasali sa Palarong Pambansa simula noong Grade 5 pa lamang kung saan nakapag-uwi ito ng dalawang ginto noong ginanap sa Laguna sa shotput at javelin.

Ang iba pang mga nagwagi ng ginto ay sina Rani Dedios ng GenSan sa girls 100m hurdles (18.49s), Leoneilly Jhallyson ng Sarangani sa boys 110m hurdles (16.90s), Jean Ann Galing ang Zamboanga City sa girls 400m (1:03.57s), Jeremiah Cortez ng Tagum City sa boys long jump (5.71m), Ivory Agot ng Zamboanga Del Sur sa girls high jump (1.36m), Anna Marie Depone ng DavNor sa girls 1,500 run (5:19.79s), Lloyd Aumada ng Koronadal sa boys 1,500m (4:39.80s), Mary Angeles Arano ng Koronadal sa girls 3,000m (11:46.86s).

Nanalo din sa girls triple jump si Hazel Arellano ng Tagum City (10.41m), Francis Jonard Lorejo ng General Santos sa discuss throw (35.50m), Kenneth Corpuz ng South Cotabato sa boys 400m low hurdles (1:00.26s) at si Remie Jane Ealvo ng Koronadal sa girls 400m low (1:14.53s). (ANGIE OREDO)