Hindi naging hadlang ang kanyang namamagang kaliwang bukong-bukong at ang matinding depensa ng kalaban upang mapigil si Ateneo skipper Ravena para ipagpatuloy ang pagpailanlang nila sa second round ng UAAP Season 78 men’s basketball tournament.

Buong tapang na hinarap ni Ravena ang tila multong galing sa nakalipas na taon-National University (NU) at nagmistulang supernova sa unang anim na minuto ng laro upang giyahan ang Blue Eagles tungo sa 68-59 panalo noong nakaraang Linggo ng hapon.

Itinala ng reigning Most Valuable Player ang unang 2 puntos ng Ateneo na kinabibilangan ng tatlong 3 pointers bago nagtapos na may 32 puntos.

Dahil dito, si Ravena ay muling nahirang bilang ACCEL Quantum/3XVI-UAAP Press Corps Player of the Week matapos pangunahan ang Blue Eagles sa ikatlong sunod nitong panalo.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“I guess it’s just one of those nights. I was taking off balanced shots and I was making them,” ani Ravena.

Nawalan ng tamang balanse matapos magtamo ng sprain sa left ankle sa nakaraang 80-74 na panalo nila kontra University of Santo Tomas (UST) noong Miyerkules, napilitan si Ravena na pumukol ng 3 pointers kahit bantay sarado sya ng depensa ng Bulldogs.

Ngunit suwerte naman para sa Blue Eagles dahil nagpapasok ang kanyang mga attempt.

“Wala pa akong explosiveness. Shaky pa cause minadali yung ankle ko, I got injured last Wednesday and we had to prepare for a tough NU team. I did everything. Probably I’m back to 70 percent in this game.”

Bagamat nakagamayan na ang pagiging playmaker para sa kanilang koponan sa mga nauna nilang laban, ipinakita ni Ravena sa performance niya kontra NU na kung gugustuhin niyang pumuntos ay kaya niyang gawin.

Ngunit mismong si Ravena ay hindi rin makapaniwala sa kanyang inilaro.

“The shots were falling, nagulat nalang ako everything was going in. Hindi ko rin alam kung anong nangyari, I just wanted to be in the zone and buti nalang kahit papano, na-shoot yung mga yun,” wika nito.

Tinalo niya para sa lingguhang citation sina University of Santo Tomas team captain Kevin Ferrer, Adamson center Papi Sarr at Far Eastern University forward Mac Belo. (MARIVIC AWITAN)