Daniel copy

HINDI mahulugan ng karayom ang mga taong nag-abang kay Daniel Padilla sa Quezon City Comelec office nang magparehistro siya bilang first time voter ng Distrito 6.

Bukod kasi sa loyalistang supporters ni Daniel, marami ring nagpapa-biometrics nitong nakaraang Martes ng hapon na nagulat lahat nang tumambad sa harapan nila ang young actor kaya naman nag-unahan silang magpakuha ng litrato.

Sa totoo lang, Bossing DMB pati kami ay nahawi-hawi rin ng security na nakatalaga sa aktor.

Human-Interest

Color code sa shopping basket 'pag namimili sa dept. store, bet ng Pinoy netizens

Kasama ni DJ ang reel/real sweetheart niya na si Kathryn Bernardo na hindi na namin nakita dahil magkaiba sila ng distrito dahil sa Distrito 3 naman ito nagparehistro.

Kaya naman alalang-alala sa dalaga si Daniel na panay ang tanong sa kasama ng, “Nasaan na si Kathryn? Pakitingin naman baka masaktan ‘yon!”

Ayon sa kasama ng young actor, dinudumog din at hindi na pinalapit si Kathryn ng road manager nito para hindi na lalo pang magkagulo dahil nga punumpuno na ng tao ang silid ng Distrito 6.

Tinanong namin si Daniel pagkatapos makapagpa-biometrics kung ano ang pakiramdam niya na makakaboto na siya sa 2016 election.

 

“Masaya, siyempre, iba na rin, eh, kasi kapag tapos na ang ganito ka (nagparehistro), iba na ang feeling. Iba ang pakiramdam.

Sa pagboto dapat responsible ka, hindi naman ‘yun boto ka lang nang boto. Dapat responsible ka. Ikaw din mismo, di ba, dapat responsible rin?” sagot ng batang aktor.

Nasusulat na may iboboto nang senador at presidente si Daniel, sino at paano niya napili?

“Totoo naman ‘yun pero hindi pa puwedeng i-announce. May napupusuan, kung baga,” pag-amin ni Daniel John Ford.

At kaya raw napili ng young actor ang iboboto niyang presidente dahil, “Ginagabayan ako nina Tito Mike (Planas), Papa (Rommel Padilla), Mama (Karla Estrada) kung sino dapat iboto, kilalanin.

Nakikinig din lang ako sa kanila, pero siyempre iba pa rin ‘yung gusto mo. Ako naman nire-research ko kung ano ba ang ginawa nito, ‘yun ang way ko para makilala ang tao.”

Nakadandang raw sumama si Daniel sa campaign sorties ng kandidatong napupusuan niya.

”Oo, makikisama ako ru’n. Kung gusto mong manalo ang ikinakampanya mo, why not? Wala namang masama roon. Ako, aakyat (sa entablado) talaga ako.”

Totoo bang may mandato ang ABS-CBN management kung sino ang dapat iendorso ng mga artista nila?

“Parang wala namang sinabi sa amin, pero siyempre tatanungin naman kayo, hindi naman puwede ‘yung pinilit ‘tapos hindi mo naman gusto. May say ka talaga sa sarili mo,” sagot ng binatilyo.

Aniya, puwede namang mag-suggest ang ABS-CBN management pero nasa sa mga artista pa rin kung susundin nila o hindi.

“Si Kathryn mayroon din,” dagdag pa ni Daniel, “pinag-uusapan namin ‘yun. Pero hindi ko alam kung sino sa kanya.”

Sa dami ng ginagawa, bakit binigyan niya ng priority o halaga ang pagpaparehistro?

“Iba kasi yung kahalagahan, ang mga bata dapat simulan na habang bata pa para masanay. Bakit, gaano ba kahirap ito, hindi naman, di ba? Pupunta ka lang dito, maggaganyan ka (sasagot ng form), may bago ka nang president. Paano ka makakareklamo kung hindi ka naman bumoto?

“Bakit ka magrereklamo kung wala ka namang ginawa at kung natulog ka lang ng araw na iyon. So para sa mga bata, iba rin ang pagiging open nila sa government, sa pulitika, marunong na rin ang mga bata. Siguro habang bata simulan, pag-aralan,” paliwanag ni Daniel.

Nabanggit niya sa naunang interview namin sa kanya na isasama niya ang tropa niya kapag nagparehistro siya, nasaan na sila, bakit wala naman kaming napansing tropa niya?

“Si Kathryn na lang ang nagbitbit ang tropa, hindi ko pa naisama kasi magugulo, kanya-kanyang rehistro na lang,” napangiting sagot ng batang aktor.

Samantala, ang best friend ni Karla na si Tates Gana kasama ang dalawang anak nila ni Mayor Herbert Bautista na sina Athena at Harvey ang sumama kay Daniel at nag-ayos ng lahat ng papeles na pipirmahan at siya rin ang nagbigay ng security para mapangalagaan ang safety nila ni Kathryn. (REGGEE BONOAN)