Nakatakdang umalis ang matataas na opisyal ng Philippine Basketball Association, sa pangunguna ng president at CEO nito na si Chito Salud, board chairman Robert Non at Commissioner Chito Narvasa, patungong Changsa, China ngayon at bukas para sa mga laro ng Gilas Pilipinas sa second round kontra sa nagdidipensang kampeon na Iran at India sa FIBA Asia Championship.

Kasalukuyang kaharap ng pambansang koponan ang Japan habang isinusulat ito at nakatakdang hamunin ang Iran ngayong Lunes at India sa Martes. Ang naturang biennial regional cage tournament ang nagsisilbing qualifier para sa 2016 Olympic Games sa Rio de Janeiro, Brazil, at kailangan ng nationals na makakuha ng kahit dalawang panalo sa kanilang huling dalawang laban upang makausad sa knockout quarterfinal stage.

Ang pagkabigo ng Gilas sa Palestine noong opening day sa first round ng preliminaries ang pumutol sa momentum ng koponan sa kumpetisyon. Ngunit agad naman silang nakabalikwas upang ibaon ang Hong Kong at Kuwait sa pisikalang laban upang mapasama sa tatlong qualifiers mula sa pool ng Iran sa susunod na round.

Ang top four teams mula sa bracket ang maghaharap-harap sa do-or-die matches mula sa grupong kinabibilangan ng China, Lebanon, South Korea, Qatar, Kazakhstan at Chinese-Taipei.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Araw naman ng pahinga ang Miyerkules bago ang quarterfinals sa Huwebes.

Target ng Pilipinas na makabalik sa Olympics sa unang pagkakataon makalipas ang 44 taon nang ito ay lumahok sa Munich, Germany, noong 1972.

Samantala, sinabi ni Samahang Basketbol ng Pilipinas executive director Sonny Barrios sa pamamagitan ng email mula Changsa na target nilang magpadala ng isang four-man Manila North team sa Abu Dhabi para sa FIBA 3x3 World Championship mula sa Oktubre 15 hanggang 18.

Binubuo nina Calvin Abueva, Troy Rosario, Karl Dehesa at Vic Manuel, pumangalawa ang Manila North sa world champion na Nova Sad Al Wahda sa FIBA 3x3 Manila Masters leg noong Agosto upang magkuwalipika sa World Tour.

“We’re trying to assemble the four who qualified, but the rules allow us to change two of them,” ani Barrios. “So kung may hindi puwede, we will have to replace them. I just hope we have have time.”

Sina Abueva at Manuel ay mainstays ng Alaska Aces, ang rookie na si Rosario ay second overall draft pick ng Talk ‘N Text Tropang Texters, habang si Dehesa ay manlalaro naman ng Mahindra Enforcers (dating Kia Carnival).

Noong isang taon, ang Manila West, na kinatawan nina Aldrech Ramos, KG Canaleta, Rey Guevarra at Terrence Romeo, ang naghari sa Manila Masters leg at umabante sa World Tour sa Sendai, Japan.

Dating PBA commissioner, sinabi ni Barrios na makikipagpulong siya kay Narvasa at sa league governors pagdating ng mga ito upang panoorin ang mga laro ng Gilas.

Magbubukas ang ika-41 season ng PBA sa Oktubre 18 sa Smart Araneta Coliseum. - Tito Talao