Ni CHARISSA M. LUCI

Isinara na ng Liberal Party (LP) ang pintuan nito sa re-electionist na si Senator Serge Osmeña at kay dating Senator Panfilo “Ping” Lacson, habang tumanggi naman ang actress-TV host at kapatid ni Pangulong Aquino na si Kris Aquino na mapabilang sa mga senatoriable ng administrasyon si Manila City Vice Mayor Isko Moreno.

Sinabi kahapon ng isang mapagkakatiwalaang source na imposible nang makapasok sa senatorial slate ng LP si Osmeña, na campaign manager ng Pangulo nang kumandidato noong 2010, at si Lacson, na naging rehabilitation czar sa mga lalawigang sinalanta ng bagyong ‘Yolanda’ noong 2013, dahil sa matitindi nilang pagbatikos sa gobyerno. Tumanggi rin si Kris Aquino na mapasama si Moreno sa mga pambatong senador ng administrasyon.

“From what I understand, Serge and Ping are not welcome to the Liberal Party for obvious reason. In the case of Moreno, no less than Kris has expressed reservation against his entry for hitting the government and she will talk to the President (Benigno S. Aquino III) about it,” sinabi ng isang kongresista na tumangging pangalanan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Matatandaang tinawag ni Osmeña si Pangulong Aquino na matigas ang ulo, habang pinuna naman ni Lacson ang aniya’y napakabagal na rehabilitasyon ng gobyerno sa mga lugar na sinalanta ng Yolanda.

Sinabi ni Quezon City Rep. Winston Castelo, opisyal ng LP, na kabilang sa mga tiyak nang kandidatong senador ng partido ay sina Senate President Franklin Drilon, Senators Ralph Recto at Teofisto Guingona III, dating Senator Francis Pangilinan, Justice Secretary Leila de Lima, Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Director General Joel Villanueva, Metropolitan Manila Development Authority Chairman Francis Tolentino at dating Energy Secretary Jericho Petilla.

Sinabi pa ng source na “the ninth slot is reserved” para sa world boxing champion na si Sarangani Rep. Manny Pacquiao.

Samantala, sinabi rin ng source na mismong ang standard bearer ng partido na si dating Interior and Local Government Secretary Mar Roxas ang napipisil na makatambal si Senator Alan Peter Cayetano, ngunit si Pangulong Aquino ang may gustong maging running mate ni Roxas si Camarines Sur Rep. Leni Robredo.