INIULAT ng Chamber of Automotive Manufacturers of the Philippines (CAMPI) na nananatili ang Pilipinas sa ikatlong taon na nangunguna sa pinakamalakas ng benta ng mga sasakyan at pinakamadaling pagpapautang nito. Sa taon lamang na ito, ayon sa ulat, inaaasahang lolobo ang benta ng mga sasakyan sa 310,000, na halos triple ang itinaas kumpara sa bentahan sa taong 2014 at doble naman sa bentahan noong 2013.
Sa malamang, ito ang isang matibay at pinakamalaking dahilan kung bakit nakararanas tayo ng buhul-buhol na trapiko sa kalakhang Metro Manila. Kaugnay sa ulat na kahit ano pang mga bagong kalsada ang maidagdag sa Metro Manila nitong mga nakalipas na taon, makaraan ang Epifanio de los Santos Avenue, na ginawa noong 1954 at ang C-5 na itinayo ng putol-putol simula noong 1986, kasunod ng North at South Expressways na nagdulot naman ng malalang trapiko mula Northen, Central at Southern Luzon.
Ang EDSA na may sukat na 23.8 kilometro ay iniulat na dinisenyo upang makaya ang 80,000 behikulo na bumibiyahe sa isang direksiyon. Ang bilang ng mga sasakyan na dumadaan sa EDSA ay halos naging triple at umaabot sa 260,000. Kaya’t hindi kataka-taka, ang sobrang trapik kamakailan sa EDSA, na nakaapekto sa ilan pang lugar sa Metro Manila sa dahilang ang ibang behikulo ay naghanap na ng iba’t ibang alternatibong ruta para makaiwas lamang sa EDSA.
Magmula nang pangasiwaan ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang EDSA mula sa dating nagmamando nito na Metro Manila Development Authority (MMDA) tatlong linggo na ang nakalilipas, ang sitwasyon ng trapiko ay nagkaroon ng kaayusan. Matapos na walisin ng mga ito ang anim na tinaguriang choke points sa kahabaan ng EDSA, ang mga nagpapatupad ng batas trapiko ay gumalaw na sa ngayon at binibigyan ng atensiyon ang iba pang pangunahing ruta katulad ng Ortigas Avenue, sa San Juan, kung saan maraming mga nakagaraheng behikulo sa ilang linya ng kalsada na lubhang nakasasagabal sa kalsada.
Sa nalalapit na Christmas season, nagbigay ng babala ang Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) na inaasahan ang pagdagsa ng mga imported goods na posibleng magdulot ng problema sa mga porte sa Manila, at kung hahaba pa, posibleng umabot ito sa mga daanan, sa dahilang ang mga paninda ay ilalabas na ng pier at dadalhin sa mga business outlet sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila. Ang mga elemento na magmamando ng sitwasyon sa trapiko ay binigyan na din ng babala. Dapat lamang na magsimula na ang mga itong pag-aralan ang mga nararapat na plano sa inaasahang seasonal na problemang ito.
Gayunman, dapat na sa ngayon ay pinaplano na rin ng mga ito ang mga pangunahing problema sa sobrang dami ng mga sasakyan sa limitadong espasyo ng mga kalsada sa Metro Manila. Sa problemang ito, kinakailangan ang mahaba-habang solusyon na dapat ipatupad sa mga susunod na taon.