Magdadagdag ng mga alternatibong ruta na “Mabuhay Lanes” ang lokal na pamahalaan ng Quezon City upang maibsan ang araw-araw na matinding traffic sa lungsod at sa mga karatig-lugar.
Ito ay matapos magsumite si Department of Public Order and Safety (DPOS) Chief Elmo San Diego ng listahan ng karagdagang Mabuhay Lanes kay Mayor Herbert Bautista.
Kapag naaprubahan ni Bautista, magbubukas ng alternatibong mga ruta mula sa EDSA patungong Mandaluyong City/Makati City; NLEX patungong Marikina/Makati at San Juan; San Juan/Mandaluyong patungong Quezon City; at Marikina/Pasig patungong Quezon City.
Bubuksan din ang West Avenue para sa mga pribadong motorista na galing sa EDSA patungong Mandaluyong/Makati, habang gagamitin din ang Mindanao Avenue bilang alternatibong ruta ng mga pribadong sasakyan na galing sa NLEX patungong Marikina, Makati at San Juan.
Magre-recruit din ang pamahalaang lungsod ng 100 traffic enforcer na ikakalat mula 6:00 ng gabi hanggang 12:00 ng hatinggabi. - Rommel P. Tabbad