NAPANOOD namin ang isang linggong episode ng TV remake ng pelikulang Ang Probinsiyano ni Fernando Poe, Jr. sa Trinoma Cinema 7 noong nakaraang Huwebes at doon lang namin nalaman na kambal pala ang karakter ni Coco Martin.

Hindi kasi namin napanood ang original version ng Ang Probinsiyano ni Da King kaya wala kaming ideya at higit sa lahat, hindi namin maikukumpara si Coco sa Hari ng Pelikulang Pilipino. 

Pagdating sa pag-arte ay hindi na makukuwestiyon ang kakayahan ni Coco o kung napantayan o maibibigay ba niya ang expectation ng mga tagahanga ni Da King dahil sigurado kami, nabigyan niya ng hustisya ang papel niya bilang si Probinsiyano.

Hindi na bago para sa amin ang mga eksenang nagti-training si Coco at ang mga kasamahan niya sa kampo para maging pulis dahil maraming beses na kaming nakakita nito at hindi rin naman nagkakalayo sa training din ng mga gustong maging sundalo sa Philippine Military Academy o PMA.

Musika at Kanta

Regine, 'di na kering makipagsabayan sa mga batang singer: 'It's no longer my time'

Kuwento ni Coco sa nakaraang grand presscon ng Ang Probinsiyano, hindi biro ang hirap na pinagdadaanan nila sa training dahil hindi sila binigyan ng special treatment para maging makatotohanan ang lahat ng eksena.

Sa kuwento, kambal nga ang karakter ni Coco bilang si Ador na pulis-Maynila at si Kadyo na naka-assign naman sa probinsiya bilang miyembro ng SAF (Special Action Force). Nawalay sila sa isa’t isa noong maliit pa (ginampanan ni Nash Aguas) at inaakala ng lahat na patay na si Kadyo.

Si Jaime Fabregas ang nakakaalam ng lahat ng mga nangyayari sa mga apong kambal. Sa takbo ng kuwento sa kasalukuyang panahon, namatay si Ador, pinatay ni Arjo Atayde bilang si Rex Amarillo (papel noon ni Paquito Diaz sa pelikula). 

Hindi ipinaalam ni Jaime Fabregas sa pamilya at sa mga pulis ang pagkamatay ni Ador dahil may mga kaso pa itong kailangang malutas. Ipinaalam niya sa mga mas mataas ang posisyon sa kanya na palalabasin niyang buhay pa si Ador at si Kadyo ang ipapalit para magpatuloy sa mga iniimbestigahan nito. 

Pero may pagkakaiba ang kambal, pormal at pinong kumilos si Ador samantalang barubal at rugged naman si Kadyo.

Mukhang enjoy si Coco (Ador) sa seryeng ito dahil marami silang kissing scene ni Bela Padilla bilang asawa niya.

Kung hindi kami nagkakamali, ito lang ang seryeng sangkaterba ang kissing scene ni Coco sa leading lady niya at kay Bela pa lang iyon, ha? E, may Maja Salvador pang papasok sa istorya, Bossing DMB? Kaya sabi ng mga katoto, jackpot ang aktor, he-he....

Ang tanong, okay lang kaya sa boyfriend ni Bela na si Neil Arce ang mga umaatikabong halikan nila ni Coco?

Sa napanood naming isang linggo episode, mahuhusay din lahat ng mga artistang nakaeksena ni Coco tulad nina Jao Mapa, Ramon Christopher, Ping Medina, Jaime Fabregas, Dennis Padilla, John Medina, Lester Llansang, Art Acuna, Arjo Atayde, Bela at Ms. Susan Roces na highlight lahat ng mga eksena nila.

Pinupuri rin namin ang batang bagong diskubre ng Dreamscape Entertainment na si Onyok na inampon ni Kadyo sa istorya at naging buddy-buddy niya at siyang nag-aasikaso sa bahay kapag nasa misyon ang tatay-tatayang pulis.

Kaya nang sundin na si Kadyo ni Jaime para iluwas ng Maynila ay talagang nag-iiyak si Onyok at gustong sumama sa tatay-tatayan niya.

Hindi nagdalawang-isip si Onyok na lumuwas din ng Maynila kahit mag-isa at naging batang pulubi para lang hanapin si Kadyo na magiging susi para malaman kung sino ang nagpapatakbo ng sindikato at magiging dahilan din para mabuking na hindi na pala siya si Ador.

Tinanong namin ang isa sa business unit heads ng Dreamscape na si Mr. Rondell Lindayag kung sino si Onyok at saan siya nanggaling. 

“Nag-audition po siya, hindi ko alam kung taga-probinsiya, pero alam ko taga-Manila lang,” sabi ng mahusay na pinuno ng think-tank ng Dreamscape.

Ordinaryong bata si Onyok, tipikal na batang mahirap, mukhang probinsiyano pero nakasisiguro kami na magugustuhan siya ng mga manonood dahil nakakatuwa ang pagiging bibo niya.

Mapapanood na ang FPJ’s Ang Probinsiyano simula sa Setyembre mula sa direksyon nina Avel Sumpongco at Malu Sevilla handog ng Dreamscape Entertainment under business unit head na si Julie Ann R. Benitez. (REGGEE BONOAN)