BAGO humarap sa entertainment press ang dating pangulo at Manila Mayor Joseph Estrada sa ipinatawag na dinner sa Sampaguita Gardens last week ay nakausap muna namin ang isang loyalist ni Vice Mayor Isko Moreno.

Ayon sa source naming may posisyon ngayon sa Manila City Hall, tiyak na isa sa mga pag-uusapan ang muling pagtakbo ni Erap bilang alkalde ng Manila at sinigurado pa rin niya na babanggitin ng dating pangulo ang pagtakbo raw ni VM Isko bilang senador sa 2016.

Hindi nga siya nagkamali, dahil ayon mismo kay Mayor Erap ay ikakampanya niya ang pagtakbo para senador ni Isko na pinuri niya nang husto.

“Si Isko, masipag ‘yan, he’s intelligent also, at saka nag-aral pa siya sa Harvard. Kaya ikakampanya ko siya bilang senador,” sey ni Erap.

Musika at Kanta

Regine, 'di na kering makipagsabayan sa mga batang singer: 'It's no longer my time'

Pero ayon sa loyal staff ni VM Isko, wala pa itong pormal na pahayag kung anong posisyon ang tatakbuhan sa 2016 elections. Sa susunod na buwan pa lamang daw may papasabugin ang actor/politician.

May posibilidad daw kasi na puntiryahin na ni Isko ang pagiging alkalde ng Maynila, sabi pa ng aming source.

Pero ayon mismo kay Mayor Erap, wala siyang nakikitang dahilan para kalabanin siya ng kanyang bise alkalde.

Maganda raw ang samahan nila at nagkakatulungan sila para sa lalong ikakaganda ng Maynila.

Since last term na ni Isko bilang bise-alkalde, may napili na ba si Erap bilang ka-tandem niya?

“Wala pa, nagpapa-survey pa ako. Maraming aplikante,” sagot ng dating pangulo na sinabayan ng tawa.

Ayaw na rin namang patulan ni Mayor Erap ang isyu na kesyo ang asawa niyang si dating Sen. Loi Estrada ang tatakbo para alkalde ng siyudad kung sakaling maisipan niyang tumakbo uli sa pinakamataas na puwesto.

Tungkol naman sa bali-balitang tatakbo for councilor ng Maynila ang anak niyang si Jake Ejercito, na madalas na ring nakikita sa city hall, “Nag-aaral pa si Jake. Pero kung sakaling pasukin niya ang pulitika, hindi ko naman siya mapipigilan. Eh, tatay ko nga, eh, hindi ako napigilan noon, mapipigilan ko na ba ang gusto ng anak ko?”

seryosong lahad ni Erap.

Kinumusta rin kay Erap si Sen. Jinggoy Estrada at kung ano ang update sa kaso nito.

“Okey naman siya ngayon. Nagkaroon na ng hearing, malapit nang matapos pero wala pang napu-prove na ‘yung talagang charges sa kanya. Parang ako rin. Wala naman silang na-prove na ako ay nagnakaw sa gobyerno,” naiiling na sagot niya.

Inaaalala ni Erap ang madalas na pagsakit ng likod ni Jinggoy.

Nagkomento rin siya sa pahayag ng Pres. Noynoy Aquino hinggil sa anti-dynasty bill.

“Mali naman ‘yung dynasty, eh. ‘Yung dynasty inherited ‘yung position, monarchy. Ito, ang taumbayan ang nagde-decide, ang nag-i-elect. Kamukha nu’ng tinalo ko du’n sa San Juan, nu’ng mayor ako, ‘yung incumbent tumakbo ‘yung anak, talo ‘yung anak!“ ani Erap.

Kaya hindi siya sang-ayon sa nasabing bill.

“Masama ba ‘yung anak na sundan ‘yung yapak ng kanyang ama kung maganda naman, di ba? Ang tao ang mag-iisip kung talagang kamukha ng ama ang palakad niya,” paliwanag pa niya. (JIMI ESCALA)