BUKOD sa forever, naniniwala ba kayo sa destiny?
Naitanong kay Alden Richards kung naniniwala ba siya sa destiny o kung maaari bang si Maine Mendoza a.k.a. Yaya Dub ang destiny niya? Napansin kasi na marami-rami na ring nakatambal si Alden pero hindi nagtatagal, laging inihahanap ng GMA Artist Center ng tamang katambal si Alden. Nang mawalan siya ng regular soap, hinayaan siya na mag-guest host sa Eat Bulaga basta hindi magko-conflict sa kanyang commitments sa network.
Matagal-tagal na rin si Alden sa EB, hanggang sa magbago sila ng way ng pagpapatawa at magkaroon ng problem solving sa segment ng “Juan For All, All For Juan” at iginawa ng bagong character si Wally Bayola, una bilang si Doctora na nagbibigay ng advice sa mga problema, then naging ang mayamang si Lola Nidora na may yaya na hindi nagsasalita at nagda-dubsmash lamang kaya tinawag na Yaya Dub.
Si Maine ang nakapasa sa audition dahil mahusay siyang mag-dubsmash.
Alam na ng buong Pilipinas at hanggang sa buong mundo na may GMA Pinoy TV, ang istorya ni Alden Richards na noong una ay pinaupo lamang sa studio habang ginagawa ang segment sa lugar ng nabubunot para maging contestant ni Vic Sotto at kumakaway siya kay Yaya Dub, na sinasagot din nito ng patagong kaway dahil pinipigilan siya ni Lola Nidora with matching bodyguards pa. Kaya sa utos nito, itinatago si Yaya kahit pa tutol ito.
Tinawag itong ni Joey de Leon na “kalyeserye”. Tinututukan ito ng televiewers, Monday to Saturday, at laging busy ang social media habang ipinalalabas ito kaya nagti-trending lalo na noong Sabado na inabangan kung matutuloy ang kasal ni Yaya sa mayamang French na si Frankie (Jose Manalo).
Lahat ay nag-worry nang himatayin si Yaya Dub na wala pala sa script, totoong hinimatay siya sa over-fatigue at init sa venue. But the show must go on at salamat sa listong isip nina Jose, Wally at Alden, at ng hosts sa studio, tuloy pa rin ang show habang dinadala na sa Cardinal Medical Center si Maine.
“Hindi pa po talaga kami nagkikita nang personal ni Maine,” susog ni Alden sa usisa sa kanya kung si Maine na nga ba kaya ang nakatakdang maging permanenteng katambal niya, sa likod at sa harap ng kamera. “Alam ko po ang status niya, pero hindi ko pa rin masasabi na magiging kami. Naalaala ko lang nang minsang nag-guest ako sa The Ryzza Mae Show bago pa pumasok si Maine sa EB, at tinanong ako ni Ryzza Mae ng, ‘Kuya Alden, ano ang gusto mo sa magiging girlfriend mo?’ Ang sagot ko, mabait, masayang kausap at maalaga. Biglang sagot ni Ryzza Mae, ‘Ah, gusto mo yaya?’ Ewan ko po, iyon ba ang sagot?”
Iginuhit ng tadhana ang drama ng AlDub, ha?
Tuwing Huwebes isini-celebrate ng AlDub fans ang kanilang weeksary. Sa Huwebes, August 13, first monthsary na nila, time na ba iyon para sa scriptwriter ng show na magkita na sina Alden at Yaya Dub? (NORA CALDERON)