TACLOBAN CITY, Leyte – Inaprubahan ng Tacloban City Council noong nakaraang linggo ang P7 pasahe sa tricycle o motor-cab-for- hire sa siyudad.
Sinabi ni First Councilor Jerry S. Uy na P7 na lang ang dating P8 pasahe sa tricycle sa lungsod.
Aniya, napagkasunduang bawasan ng piso ang pasahe matapos na magpetisyon sa Konseho ang mga miyembro ng Tacloban City Federation of Senior Citizens Association (TAFESCA) upang ibaba sa P7 ang pasahe sa tricycle kasunod na rin ng pagbaba ng presyo ng petrolyo sa lungsod.
Discounted naman ang P6 na pasahe ng mga senior citizen at estudyante.
Sinabi pa ni Uy na ang sinumang tricycle driver na patuloy na maniningil ng P8 na pasahe o tatangging magbigay ng diskuwento ay pagmumultahin ng P500 at kukumpiskahin ang prangkisa sa ikatlong paglabag. (Nestor L. Abrematea)