Masasaksihan na ngayong hapon ang pagkokorona sa tatanghaling Kings at Queen of Beach Volley sa pagsasagupa ng apat na pinakamagagaling na koponan sa matira-matibay na kampeonato ng PLDT Home Ultera-Philippine Superliga Beach Volleyball Challenge Cup 2015 powered by Smart Live More sa Sands By the Bay ng SM Mall of Asia.
Pag-iinitin muna ang labanan para sa ikapitong puwesto sa women’s division ganap na alas-10 ng umaga ang torneo sa pagitan ng Amy’s at Philips Gold bago sundan ganap na alas-11 ng umaga kontra Meralco at Petron B para sa 5th place sa women’s. Ikatlong laro ganap na1:00 ng hapon ang CenterStage kontra Cignal-A sa 3rd place ng men’s competition.
Inaasahan na agad mag-aapoy ang buhanginan sa pagsasalpukan ng Giligan’s at Foton Tornadoes sa ganap na 3:30 ng hapon sa ultimong labanan na magdedetermina kung sino ang kokoronahang unang kampeon sa torneo sa kababaihan.
Tampok sa kampeonato ang pares nina Danica Gendrauli at Norie Diaz ng Giligan’s na inaasahang gagawin ang lahat kontra sa tambalan nina Fiola Ceballos at Patty Orendain hindi lamang upang makabawi sa masaklap nitong kabiguan dalawang taon na ang nakalipas kundi upang hablutin ang korona ng prestihiyosong torneo na inorganisa ng Sports Core katulong ang Accel bilang official outfitter, Sands By the Bay na venue partner, Senoh na technical sponsor at Maynilad bilang official water provider.
Nakatuon din naman ang pareha nina Jade Becaldo at Hachaliah Gilbuena ng SM By the Bay-A na bubuhayin muli ang pagiging matinding magkaribal kontra kina Tippy Tipgos at Marjun Alingasa ng Champion Infinity-B sa kanilang paghaharap para sa titulo ng men’s division sa ganap na 5:30 ng hapon.
Si Becaldo ay dalawang beses tinanghal na beach volleyball champion mula University of the Visayas habang ang kakampi nito na si Gilbuena ay beterano ng komersiyal na liga at kapwa kagagaling lamang sa paglahok sa ginanap na Continental qualifying para sa rehiyon ng Asia sa gaganaping 2016 Rio De Janiero Olympics sa Brazil.
Dati ring miyembro ng national beach volley squad si Tipgos na mula sa University of San Jose-Recoletos bago ito nagpasiya na makipagpareha kay Marjun Alingasa na dalawang sunod na taon na tinanghal bilang NCAA beach volley champion.
Gayunman, nakatuon ang atensiyon sa pagitan ng Gilligan’s at Foton Tornadoes na tampok ang matinding labanan sa pagitan ng pinakamagaling na beach volleyball player mula Cebu kontra sa karibal nito mula sa Iloilo.
Si Gendrauli ay unang dinomina ang Cebu Schools Athletic Foundation, Inc. bitbit ang Southwestern University habang si Ceballos mula Central Philippines University ay iniuwi ang korona sa isang beach volley tournament sa Boracay noong 2012 at 2013.
“Additional motivation din yun on my part,” sabi ni Gendrauli, na isa sa miyembro ng Mane ‘N Tail sa PSL All-Filipino Conference. “That’s why we’re training hard to be super competitive on Saturday.”
Aminado naman si Ceballos na mas may bentahe sina Gendrauli at Diaz sa kanilang matira-matibay na labanan.
“Ang laki ng improvement nya,” sabi ng Tourism senior na si Ceballos na nakipagpareha kay Jovelyn Gonzaga na nagpalasap ng kabiguan kay Gendrauli at kaparehang si Raphril Aguilar. “Kung hindi ka man nya talunin sa lakas ng palo, tatalunin ka naman nya sa utak at diskarte.”
Nakita mismo ni Ceballos ang laro ng makakalabang Giligan’s patuntong sa finals saan lumutang ang maturidad, liderato at ismarteng pagdedesisyon partikular sa krusyal na yugto ng laban kontra sa semis kontra Cignal HD Spikers B nina Jeushl Wensh Tiu at April Ross Hingpit sa paggamit ng malalim na kombinasyon at short-ball place shots.
Gayunman, handa si Ceballos na inihayag na kung sino ang may puso, pagnanais at matinding uhaw sa korona ang tiyak na tatanghaling kampeon. “Tingnan na lang po natin,” sabi ni Ceballos. “Basta handa kami sa kung ano man ang ibibigay nila.”
Una naman na tumapos sa ika-9th place sa women’s division ang Petron Sprint 4Tnina Alexa Micek at Fille Cayetano habang 10th place ang Accel Quantum (Team B) nina Aurora Tripoli at Rochet Dela Paz. Ika-11 ang BENECO nina cindy Benitez at Florence Madulid habang ika-12 at ika-13 ang Accel Quantum (Team A) nina Evangeline Pastor at Kim Ygay at ang Cignal HD Spikers (Team A) nina Charleen Cruz at Michelle Laborte.
Tumapos sa kalalakihan sa 5th place ang Cignal HD Spikers (Team B) nina Jay dela Cruz at Emmanuel Luces saan ika-6th place ang Champion Infinity (Team A) nina Angelo Espiritu at Nestor Molate. Nasa 7th place UPHSD Altas - Molino (Team A) nina Fernando Alboro at Ronel del Mundo habang 8th place ang IEM Volley Masters ni Michael Ian Conde at Karl dela Calzada. Ika-9th at 10th ang UPHSD Altas - Molino (Team B) nina Emmanuel Gamat at Paolo Aloña at ang SM By The Bay (Team B) nina Tim Young at Daniel Young.