Umabot sa 14 katao ang nasugatan matapos na tumagilid ang sinasakyan nilang closed van habang tinatahak ang EDSA sa tapat ng SM North EDSA sa Quezon City, kahapon ng umaga.

Sinabi ng Traffic Sector 6 na dakong 9:30 ng umaga nang mangyari ang aksidente.

Matulin umanong binabaybay ang EDSA ng closed van na sinasakyan ng 14 na katao patungo sa Balintawak, at pagsapit sa SM North ay nawalan na ito ng preno at biglang tumagilid na ikinasugat ng mga pasahero.

Nanggaling ang van, na minamaneho ni Jaymond Deraper, sa Cavite at ang mga sakay nito ay dadalo sa isang okasyon ng kanilang sekta sa Muñoz, Quezon City.

National

Tinapyasang budget ng opisina ni VP Sara, ‘di na dapat baguhin – Sen. Risa

Agad na naisugod ng rescue team ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga nasugatan sa Quezon City General Hospital.

Ayon kay Deraper, nawalan siya ng kontrol sa sasakyan sa palikong bahagi ng EDSA, hanggang sa tumagilid ito.

Sa pagtagilid ng van tumilapon ang krudo nito sa kalsada, kaya nadulas at sumemplang ang motorsiklo ng dalawang empleyado ng isang fastfood restaurant na sina Leo Ferrer at Randy Rodriguez.

Rumesponde rin ang fire truck ng Bureau of Fire Protection (BFP) at binomba ng tubig ang kalsada para maalis ang tumapon na krudo. (Jun Fabon)