Dating itinataboy sa bangketa at hinahabol ng mga pulis, tutulong na ngayon ang mga ambulant vendor sa pagsugpo ng krimen sa Quezon City.

Sinabi ni Quezon City Police District (QCPD)-Kamuning Police Station 10 na kukunin nila ang serbisyo ng mga street vendor sa pagtukoy sa mga kriminal sa kani-kanilang lugar, lalo na ang mga mandurukot, snatcher at iba pang kawatan.

Sinabi ni Supt. Limuel Esto Obon, commander ng Kamuning Police Station, na sa tulong ni Chairman Mon Salas ng Barangay Immaculate Concepcion, mahigit 100 tindero ang tumutulong sa pagpapatrulya laban sa mga kawatan sa kanilang puwesto.

Ang hurisdiksiyon, aniya, ng mga street vendor ay mula EDSA-New York Street hanggang sa Aurora Blvd.

57 kilos ng shabu na isinilid sa Chinese tea bag, nakumpiska sa pantalan sa Southern Leyte

Upang agad na makilala, oobligahin ang mga street vendor na magsuot ng uniporme at ID na ibinigay ng QCPD.

“The punong barangay himself required the vendors to wear yellow chalecos and IDs. They also have a whistle (pito) and a baton made of rattan when they are out on city streets. Para na rin silang tanod,” ayon kay Obon.

“Sa pagsusuot ng ID, sila ay nagiging lehitimo. Sila ay may sariling organisasyon at lider,” dagdag ni Obon.

Ayon kay Obon, gagamitin ng mga tindero ang pito kapag may nangyayaring krimen upang makakuha ng atensiyon ng mga nagpapatrulyang pulis at tanod.

Naniniwala si Obon na malaki ang maitutulong ng mga nagtitinda sa paghuli sa mga mandurukot at snatcher na karaniwang nambibiktima ng mga pedestrian, at mga pasahero ng bus at jeepney. (FRANCIS WAKEFIELD)