Matapos ang dalawang taong paghihintay, makukuha na ng swimmer na si Joshua Hall ang silver medal na naging mailap sa kanya sa Southeast Asian Games na idinaos sa Myanmar.

Ito ay matapos na ang nakalaban ni Hall na isang Indonesian ay hubaran ng medalya matapos magpositibo sa bawal na gamot at paglabag sa doping rule ng torneo.

Ipinaalam ito mismo nina Philippine Olympic Committee (POC) chairman Tom Carrasco at secretary-general Steve Hontiveros matapos na ipadala ng Indonesia Olympic Committee ang medalyang pilak sa opisina ng POC upang ibigay ang medalya kay Hall.

“Nakuha na natin ‘yung silver medal sa 100m breaststroke na maibibigay ngayon kay Joshua Hall,” ani Carrasco.

Karl Eldrew Yulo, pamilya raw pinakamagandang regalong natanggap

 Matatandaang nagtala si Hall ng kabuuang 1 minuto at 03.32 segundo noong 2013 SEA Games na kapos lamang ng kalahati sa 14 segundo kontra sa Indonesian at .24 segundo sa tinanghal na gold medalist na si Radomyos Matjiur ng Thailand.

Ibibigay naman ni Hall, sa pamamagitan ng POC, ang nakuha niyang bronze medal, sa pumang-apat na swimmer na mula naman sa Singapore.

Si Hall ay kasalukuyang nasa World Championships sa Spain kung saan kasama nito ang tatlong iba pang Pilipinong swimmers na umaasam makapagkuwalipika sa Rio De Janeiro Olympics sa 2016.(Angie Oredo)