LONDON (AP) – May bagong trabaho si Prince William: Isa na siyang air ambulance pilot.
Inihayag noong Huwebes ng mga royal official ng Britain na simula sa susunod na buwan ay sisimulan na ng prinsipe ang limang buwang pagsasanay bilang helicopter pilot ng East Anglian Air Ambulance. Kung magtatagumpay, pagsapit ng tagsibol ay makakasama na siya sa charity group na nakabase sa Cambridge.
Ayon sa Kensington Palace, piloto ng air ambulance ang magiging pangunahing trabaho ni William, bagamat patuloy pa rin siyang gaganap sa royal duties at sa iba’t ibang engagement sa Britain man o sa ibang bansa.
Kabilang sa mga magiging tungkulin ng prinsipe ang pagpipiloto sa day at night shifts, at pakikipagtrabaho sa medics upang tumugon sa mga emergency, mula sa mga aksidente sa kalsada hanggang sa atake sa puso.
“The pilot is part of the team and he will be looking after patients with conditions that would be horrifying for many, and some pilots may not like that very much,” sabi ni Alastair Wilson, ang medical director ng charity. “Compared to his role as a search-and-rescue pilot, he may be dealing with more injury patients than he is used to, but I'm sure he will adapt very well to that.”
Magagamit ni William sa kanyang bagong trabaho ang mga karanasan niya bilang Royal Air Force search-and-rescue pilot, ang posisyong nakuha niya noong 2012 makaraang maglingkod sa iba pang military duties.
Umalis siya sa nasabing trabaho noong Setyembre, ilang buwan makaraang isilang ang panganay nila ni Duchess Catherine na si Prince George.
Tatanggap ng suweldo si William sa bago niyang trabaho, pero ido-donate niya ito nang buo sa kawanggawa, ayon sa royal officials.