Tinuligsa ni Makati City Mayor Jejomar Erwin Binay ang tinawag niyang maliwanag na “misuse” sa mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) sa pagpapatupad ng “selective suspension” sa mga opisyal ng gobyerno na hindi kaalyado ng administrasyon.
Sinabi ni Binay na nakikisimpatiya siya sa mga tauhan ng PNP na naiipit sa mga hidwaang pulitikal, at nanawagan na tigilan na ang maruming political tactics.
“Tuwing nakakakita ako ng miyembro ng PNP sa City Hall, hindi ko maiwasang maawa sa kanila. Sumusunod lang naman sila sa mga utos ng kanilang superiors, pero sa totoo lang ay nagagamit sila sa paglabag sa batas sa halip na sa pagpapatupad nito,” sinabi ni Binay nang magtalumpati sa harap ng libu-libo niyang tagasuporta sa flag-raising ceremony kahapon.
Umaasa naman ang alkalde na mas magiging alerto ang mga pulis sa tunay na motibo sa likod ng paggigiit ng superiors ng mga ito na ipatupad ang suspension order ng Office of the Ombudsman laban sa kanya kahit pa may inisyu nang Temporary Restraining Order (TRO) ang Court of Appeals (CA) laban dito.
“Panahon na naman ng selective suspension ng mga lokal na opisyal, at ginagamit ang mga pulis sa pagpapatupad ng mga kadalasan ay walang basehan at ilegal na suspension orders. Ngunit sa tunay na demokrasya, hindi maaaring manaig ang kapangyarihan ng pulisya sa tunay na hangarin ng mamamayan,” ani Binay.
Simula nang “mahati” ang lungsod sa pamunuan ni Binay at ng idineklarang acting mayor na si Vice Mayor Romulo “Kid” Peña, marami nang pulis ang makikitang pagala-gala sa City Hall.
Una nang sinabi ni Senior Supt. Elmer Jamias, Southern Police District (SPD) deputy for administration, na trabaho lang ang pagpapakalat ng mga pulis sa City Hall at wala itong kaugnayan sa pulitika.