Walang komento ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa isang panukala sa Kamara na ibaba sa 15 porsiyento ang kasalukuyang 32 porsiyentong income tax rate para sa mga individual at corporate taxpayer.
Sinabi ni BIR Commissioner Kim S. Jacinto-Henares na “my job is to collect taxes, not to enact tax laws”.
Aniya, kung nais ng mga mambabatas na bawasan ang kinokolektang buwis sa mamamayan “so be it”, ngunit idinagdag na dahil dito ay liliit din ang makokolekta ng gobyerno.
Kinokolekta ng BIR ang nasa 60 porsiyento ng kabuuan ng taunang koleksiyon nito mula sa income tax o nasa P718 bilyon noong 2013.
Ang bersiyon ng Senado ng nasabing panukala ay nagtatakda ng 24 na porsiyentong maximum tax rate, mula sa orihinal na 32 porsiyento.
Gayunman, sinabi ng iba pang opisyal ng BIR na tumangging pangalanan, na layunin ng nasabing panukala na isinusulong ng mga mambabatas ang magkaroon ng “pogi points” para sa eleksiyon sa susunod na taon.
“Congress has been discussing the proposal for the longest time and I am sure solons will pass it shortly in time for the national and local elections in May next year,” ayon sa isang opisyal ng BIR.
Sinabi ni Valenzuela City Rep. Magtanggol Gunigundo na aaprubahan ang nasabing panukala sa Kamara sa ikatlo at huling pagbasa sa Hunyo. (Jun Ramirez)