Posibleng magsanay ng magkasabay ang binubuong women’s under 23 at ang koponan na isasabak ng Larong Volleyball ng Pilipinas, Incorporated (LVPI) sa Asian Senior’s Women’s Championship at 28th Southeast Asian Games (SEAG).

Ito ang sinabi ng isang opisyal ng LVPI matapos na mapag-usapan ng bagong asosasyon ang mga plano sa pagsali sa mga internasyonal na torneo na isa sa mga pangunahing kasunduan nito sa Asian Volleyball Confederation (AVC) at Federation International des Volleyball (FIVB) upang kilalaning miyembro.

Ang 1st Asian Women’s U23 Volleyball Championships ay gaganapin sa bansa sa Mayo 1 hanggang 9 habang ang Asian Senior’s Women’s Championship ay isasagawa naman sa Beijing at Tianjin sa China sa Mayo 20 hanggang 28.

Hahataw naman ang 28th SEA Games sa Hunyo 5 hanggang 26 sa Singapore.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“There is a big possibility that the U23 and the team that will be send to the Asian Seniors Women Championship will be training together because of lack of time,” sabi ng opisyal.

Ang 2013 AWVC ay huling isinagawa sa Nakhon Ratchasima, Thailand noong Setyembre 13 hanggang 21 kung saan tumapos na pangkalahatang ika-12 puwesto ang Pilipinas na mula sa kabuuang 16 na bansa.

Unang pagkakataon naman ang paglarga ng AVC men’s at women’s Under 23 sa kalendaryo ng FIVB at AVC. Sasabak din ang Pilipinas sa men’s Under 23 na gaganapin sa Nay Pyi Taw, Myanmar sa Mayo 21 hanggang 29 kung saan ang koponan ay gigiyahan ni Oliver Almadro, ang UAAP champion coach ng Ateneo de Manila University (ADMU).

Ang women’s Under 23 ay pamamahalaan nina national coach Rogelio Gorayeb at Sinfronio Acaylar habang hindi pa nakukumpleto ang bubuo sa senior women’s team na siya rin umanong koponan na isasabak ng bansa sa muling paglahok sa kada dalawang taong SEAG.

Samantala, naghahanap naman sina Gorayeb at Acaylar ng ipapalit kay Aby Maraño na hindi nakapasa sa rules at regulation sa age limit para sa women’s Under 23. Ang dating La Salle team captain ay lampas ng siyam na araw para sa itinakdang araw ng kapangakan na Enero 1, 1993 para makasali sa torneo.

Natira sa koponan sina UAAP back-to-back MVP Alyssa Valdez, ang kakampi sa Lady Eagles na si Denden Lazaro, Bea de Leon at setter Jia Morado, ang magkapatid na Santiago na si Dindin at Jaja, UAAP Rookie of the Year awardee na si Ennajie Laure, UAAP best blocker na si Ria Meneses, La Salle setter na si Kim Fajardo at sina Alyssa Eroa, Myla Pablo, Kim Fajardo, Tin Agno at Christine Rosario.