Mga laro sa Abril 6: (Cuneta Astrodome)
4:15 pm Philips Gold vs Cignal
6:15 pm Petron vs Shopinas
Walang pagsidlan sa tuwa at kumpiyansa ang dating national team players at ngayon ay mga coach na sina Rosemarie Prochina at Zenaida Chavez matapos giyahan ang Mane ‘N Tail sa unang panalo kontra sa Cignal, 27-25, 25-21, 25-21, sa pagpapatuloy ng aksiyon sa women’s division ng 2015 Philippine Superliga (PSL) All-Filipino Conference.
“Parang gusto na yata naming maglaro,” pahayag nina Prochina at Chavez na kapwa miyembro ng huling national women’s volleyball team na nag-uwi ng gintong medalya sa kada dalawang taong Southeast Asian Games sa Singapore noong 1993.
“Marami pa sana kaming gustong ituro at gawin sa mga bata kaya lang hindi namin talaga maituro kasi wala kami sa loob ng game. Iba kasi iyong itinuturo mo bilang coach at iyong natutunan sa loob ng court habang nasa aktuwal na laban,” sinabi ni Prochina matapos itala ang unang panalo ng Mane ‘N Tail sa The Arena sa San Juan City.
Nagtulong sina Honey Royse Tubino, Danika Genrauli at ang rookie na si Samantha Dawson na ipinoste ang kabuuang 32 puntos upang itulak ang Lady Stallions sa panalo kontra sa wala pa ring panalo na Cignal sa double round ng torneo.
“Mas mahirap pala ang mag-coach kaysa maglaro,” giit pa ni Prochina, na unang nakalasap ng kabiguan sa loob ng apat na set sa kanilang unang laro laban sa Shopinas.
“We lacked communications last game. Skill-wise, nandoon na sila. We just need to correct those little things that we forgot in our previous game. Now that we won, we will try to sustain the momentum and carry it to our next game,” ayon pa kay Prochina.
Sumandig naman ang Cignal HD Spikers kay Jeanette Panaga na nagtala ng 13 kills para sa kabuuang 21 puntos subalit hindi naisalba ang koponan na nalasap ang ikalawang sunod na kabiguan.
Kasalukuyan namang nakikibakbakan ang Shopinas, na hangad ang ikatlong sunod na panalo, kontra sa Foton Tornadoes habang isinusulat ang istoryang ito.