Dalawang bersyon ng Senakulo ang idinaos ng dalawang grupo sa Maynila nitong Lunes Santo.

Isang kilos-protesta na tinaguriang “Kalbaryo ng Maralita,” sa pormang Senakulo na nagpapakita ng mga paghihirap ng mamamayan ang isinagawa ng daan-daang miyembro ng mga grupong Urban Poor Associates at Community Organizers Multiversity bilang pagkondena sa administrasyon ni Pangulong Benigno S. Aquino III sa Plaza Lawton patungo sa Plaza Miranda sa Quiapo, Maynila.

Walong krus, kabilang ang isang dambuhalang krus na nasa mahigit 20 talampakan ang taas, ang kanilang pinasan na may mga nakasulat na katagang naglalarawan sa kanilang mga hinaing sa gobyerno hinggil sa kawalan ng trabaho, pagpapalayas sa mga informal settler at iba pa.

Isang lalaki ang gumanap bilang si “PNoy,” suot ang maskara at Barong Tagalog na may hawak na martilyo at pako, upang ipakitang mismong ang Pangulo pa ang “senturyon” na nagpapako sa mga Pilipino sa krus ng kahirapan.

National

Sen. Bong Go, pinakiusapan si Sen. Imee na pagkasunduin muli sina PBBM, VP Sara

Isang higanteng krus naman na yari sa pinagtagpi-tagping plastik na basura ang ipinakitang pasan-pasan ng isang babaeng kumakatawan sa Inang Kalikasan ang bersiyon ng mala-Senakulong programa ng environmental group na EcoWaste, sa tapat ng Quiapo Church o Minor Basilica of the Black Nazarene.

Ayon sa grupo, mensahe ng kanilang programa na tuluyang iwasan ang paggamit ng mga plastik na sumisira sa Inang Kalikasan bunga ng idinudulot na polusyon sa kapaligiran.

Ayon kay Aileen Lucero, coordinator ng EcoWaste Coalition, ang kanilang programa ay sumisimbolo sa kalbaryong pinagdaraanan ng bansa na ang sanhi ay walang tigil na pagtatapon ng mga basura, partikular sa mga hindi nabubulok na bumabara sa kanal, estero at iba pang daluyan ng tubig na nagdudulot ng pagbabaha.

Napapadpad din anila ang mga basurang ito sa ilog at karagatan kaya apektado nito ang buong bansa.

Kaugnay nito, nanawagan ang grupo sa publiko, na magbabakasyon o magtutungo sa iba’t ibang lugar ngayong Semana Santa na dapat na isaalang-alang ang disiplina sa pagtatapon ng basura.

Pinayuhan din nila ang mga ito na gumamit ng mga reusable bags upang hindi tumindi ang pagtatambak ng basura.

Pahayag pa ni Lucero, kung pagtitika at pagsasakripisyo ang gagawin ng mga mamamayan, ikonsidera rin dapat ang pagtatapon ng basura sa maayos na paraan dahil sa pamamagitan nito ay nakagawa na sila ng mabuti sa sarili, sa kapwa at sa kapaligiran.