Nagpahayag ng pagkabahala ang isang civil society group kaugnay ng napaulat na korupsiyon sa Court of Appeals (CA) na nagdudulot ng batik sa hudikatura.

Nanawagan ang Coalition of Filipino Consumers (CFC) kay Supreme Court (SC) Chief Justice Ma. Lourdes Sereno na imbestigahan ang umano’y negosyong “decision for sale” sa appellate court.

Ayon sa CFC, na responsable sa pagsasampa ng kasong plunder laban kay dating Philippine National Police (PNP) Chief Director Gen. Alan Purisima dahil sa mga hindi nito idineklarang ari-arian, dalawang mahistrado ng CA ang tumanggap ng suhol kapalit ng paglalabas ng writ of preliminary injunction.

Sinabi ng grupo na ang isa sa mga mahistrado ay isang dating halal na opisyal bago naitalaga sa CA.

Metro

Lalaki, pinagsasaksak sa dibdib dahil umano sa paggamit ng basketball court

“Nakarating sa aming kaalaman na ilang justices ng Court of Appeals ang tumanggap ng suhol mula sa maiimpluwensiyang tao na may mga kinakaharap na kaso. Hindi dapat ito dahil ang kaso ay dapat na dinedesisyunan batay sa merito nito,” saad sa pahayag ni Perfecto Tagalog, secretary-general ng koalisyon.

“Pero hindi naman lahat ng justice ay for sale. May mga exception. Ang maliit na porsiyento ng mga corrupt justices na ito ang nakasisira sa hudikatura,” paglilinaw niya.

Sinabi pa ng grupo na may mga ulat din na ilan sa mga mahistrado ang may kinakasamang ibang babae, na ang ilan ay modelo o starlet.

Inamin din ni Tagalog na isang mahistrado sa CA ang lumapit sa kanya para isiwalat ang nasabing mga katiwalian ng mga kapwa nito mahistrado dahil hindi na umano nito matiis ang masamang gawain ng mga kapwa justice.