“Maliban na lang kung may kailanganin pang paglinaw mula sa akin ng kinauukulan, ito na ang huling pagkakataon  na magsasalita ako tungkol sa isyung ito,” sabi ni Pangulong Aquino, tinutukoy ang Mamasapano case,  sa kanyang talumpati sa graduation rites ng Philippine National Police Academy (PNPA) noong Huwebes.

Muli niyang ipinahayag ang kanyang mga naunang sinabi na nagsisisi siya sa pagtitiwala sa mga tao na nagkubli ng katotohanan sa kanya. Kung alam lamang niya, aniya, na nasa peligro ang mga Special Action Force (SAF) commando, nakapagpadala agad siya ng saklolo. Walang matinding pangangailangan na nakasaad sa text messages na kanyang natatanggap, aniya. Lumilitaw na ang operasyon sa Mamasapano ay nagwakas na o magwawakas pa lamang dahil ang mechanized at artillery support mula sa militar ay parating na.

Inamin niya na siya ang responsable bilang Pangulo para sa sandaang milyong Pilipino at para sa anumang resulta ng kahit na anong hakbang tungo sa kapayapaan at seguridad. Wala siyang sinabi, gayunman, tungkol sa responsibilidad para sa pumalpak na Mamasapano operation mismo. At hindi siya humingi ng anumang tawad. Humiling siya sa halip ng pag-unawa.

Tulad ng inaasahan, iba-iba ang reaksiyon sa kanyang talumpati. Sinabi ni Speaker Feliciano Belmonte Jr., na sapat na ang paliwanag ng Pangulo. “It is time to move on,” aniya. Si Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez, na namumuno sa independent minority bloc sa Kamara, ay nagsabing umiwas umano ang Pangulo sa pananagutan nang hindi ito nagsabi ng sorry at umapela sa halip para sa pag-unawa ng publiko.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Inisyu ng Pangulo itong huling pangungusap sa Mamasapano sa araw rin nang lumabas ang Pulse Asia survey findings na nagpapakita ng malalim na pagbagsak ng approval at trust ratings ng Pangulo, maaari lamang umasa ang mga optimista ng kanyang kampo na ang mga salita ng Pangulo sa harap ng PNPA ay makatutulong sa pagpapaangat ng kanyang ratings sa susunod na survey.

Ang Pangulo mismo ay waring handa nang mag-move on. Noong nakaraang Biyernes, inanunsiyo niya ang paglikha ng isang konseho na binubuo ng mga respetadong national at at community leaders, kabilang sina Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle at dating Chief Justice Hilario Davide Jr., at hiniling sa kanila na pangunahan ang isang “National Peace Summit”.  Layunin nito ang repasuhin at pahusayin ang Bangsamoro Basic Law (BBL) at tumulong sa pagpapaunawa nito sa taumbayan.

Stranded ngayon ang BBL bill sa Kongreso, kung saan maraming senador at kongresista ang nag-aatubiling aprubahan ito dahil sa insidente sa Mamasapano. Lumilitaw na maraming probisyon dito na may kaduda-dudang konstitusyunalidad ngunit ang pagkakataong aprubahan ito ng kongreso ay lalong napigilan dahil ito ay isang hakbang na isinusulong mismo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), ang pangunahing puwersa na nakaengkuwentro ng SAF na nauwi sa kamatayan ng Gallant 44 sa Mamasapano.

Ang trahedya ng Mamasapano mismo ay kailangang iwan na, lalo nga ngayong sinabi na ng Pangulo ang kanyang huling salita ukol dito. Huhusgahan siya ng kasaysayan at ang mga taong responsable para sa trahedya. Kailangan nang ituon ang ating atensiyon sa isyu ng Bangsamoro autonomous region at ang mga implikasyon nito para sa kapayapaan sa Mindanao at sa buong bansa.