Dalawampu’t dalawa ang magpapapako sa krus sa mga sikat na crucifixion site sa tatlong barangay sa City of San Fernando (CSF), Pampanga sa Biyernes Santo.
Sa isang panayam, sinabi ni CSF Councilor Harvey A. Quiwa, chairman ng “2015 Maleldo” ng siyudad, na isasagawa ang pagpapako sa krus sa mga barangay ng San Juan, Sta. Lucia at San Pedro Cutud. Labing-lima ang magpapapako sa San Pedro Cutud, apat sa San Juan at tatlo sa Sta. Lucia.
“Inaasahan naming dadagsa ang nasa 50,000 hanggang 60,000 local at foreign tourists sa crucifixion sites. Isa-isang ipapako ang mga deboto simula 9:00 a.m. sa Bgy. San Juan; 10:00 a.m. sa Bgy. Sta. Lucia; at 1:00 p.m. sa Bgy. San Pedro Cutud,” sabi ni Quiwa.
At sa ika-29 na taon ay muling gaganap na “Kristo” sa Biyernes Santo si Ruben Enaje, ng Bgy. San Pedro Cutud.
Sa isang panayam noong nakaraang taon, sinabi ni Enaje na ang taunan niyang panata na pagpapapako sa krus ay ang paraan niya ng pasasalamat sa Diyos sa pagkakaligtas niya makaraang maaksidente siya sa trabaho maraming taon na ang nakalilipas.
Bagamat nagpahayag na ng kagustuhang magretiro sa pagki-Kristo, sinabi ni Enaje na nagdesisyon siyang magpatuloy na lang dahil “malakas pa ako, kaya pa natin ituloy ang panata natin.’’
Sinabi ni Chief Supt. Ronald V. Santos, officer-in-charge ng Police Regional Office (PRO)-3, na simula sa susunod na taon ay magpapatupad na ang pulisya ng pinaigting na seguridad sa mga simbahan, shopping mall, beach at terminal kaugnay ng Semana Santa.