PINAGSAMA ng APT Entertainment sina Paolo Ballesteros at Alden Richards sa Pag-uwi, ang ikalabinlimang offering nito ngayong Black Saturday, isang makabagbag-damdamin at punumpuno ng inspirasyon na kuwento ng magkapatid na pinaghiwalay ng tadhana.
Nagsimula ang tradisyon ng APT Entertaiment sa paghahandog ng mga makabuluhan at napapanahong kuwento ng buhay sa episode na Marcelino noong 2000. Nagtuluy-tuloy ito at nagtampok ng mga bigatin at magagaling na artista gaya nina Susan Roces, Lorna Tolentino, Alessandra de Rossi, Dennis Trillo, Lovi Poe, Ryzza Mae Dizon, at Marian Rivera.
Hindi basta-basta malilimutan ng mga manonood ang bawat obra na nagbibigay ng aral. Walang tapon ang bawat episode at collector’s item pang maituturing.
Ngayong Abril 4, marami na ang nag-aabang sa kuwento ng tandem nina Paolo at Alden. Gagampanan ni Alden si Sam Carbonnel na mapagkalinga, mapag-aruga at mapagmahal na anak sa kanyang ina (ginampanan ni Chanda Romero). Bilanggo nga lamang ng pamilya si Sam na nagpapakihirap upang maitaguyod ang magandang buhay ng ina.
Dumating kay Sam ang sandaling hindi niya inaasahan, nang hilingin ng kanyang ina para hanapin ang nakatatandang kapatid na si Onyok (Paolo) bilang regalo sa kaarawan nito. Bagamat atubili sa kahilingan ng ina dahil sa pagkamuhi sa kapatid na nang-iwan sa kanila, dumating ang takdang panahon upang harapin ang katotohanan. Isang tawag mula sa ospital ang natanggap ni Sam at sa muli nilang pagtatagpo ng kanyang Kuya Onyok, panibagong dagok ang nasaksihan niya.
Dahil ang Kuya Onyok niya ay naging “Ate Sophia” na!
Sa loob ng tatlong araw bago sumapit ang kaarawan ng ina kasama ang kanyang Ate Sophia, hindi malaman ni Sam kung saan magsisimula at kung paano nila mabibigyan ng ina ng puwang sa kanilang buhay ang kapatid.
Kaabang-abang ang “pag-uwi” ng magkapatid na Sam at “Sophia” sa kanilang ina. Abangan din ang wagas na pahusayan sa pag-arte nina Paolo at Alden sa kuwentong punumpuno ng kabuluhan at emosyon.
Ang Pag-uwi ay mula sa panulat ni Michelle Ngu at sa direksiyon naman ni Marlon Rivera. Sa Sabado de Gloria na, 7:30 PM, sa GMA Network.