Makakaharap ngayong Lunes ni Makati City Mayor Jejomar Erwin “Junjun” Binay ang mga nag-aakusa sa kanya, sa pangunguna ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales, sa isang legal showdown sa Court of Appeals (CA) tungkol sa petisyon ng alkalde na ipatigil ang suspensiyon laban sa kanya kaugnay ng umano’y maanomalyang pagpapagawa sa Makati Parking Building II.

Itinakda ng CA Sixth Division, na nagpalabas ng temporary restraining order (TRO) sa 60-araw na suspensiyon ni Binay, ngayong Marso 30 ang oral arguments sa pangunahing petisyon para sa preliminary injunction ng alkalde.

Pinamumunuan ni CA Associate Justice Jose Reyes ang Sixth Division habang miyembro naman sina Associate Justices Francisco Acosta at Eduardo Peralta.

Sa hiling na maisyuhan ng preliminary injunction, sinabi ni Binay sa CA na nagsagawa ang Office of the Ombudsman ng grave abuse of discretion at nilabag ang kanyang mga karapatan sa pagpapalabas nito ng suspension order. Ayon kay Binay, ang Ombudsman “whimsically and capriciously disregarded and violated established laws and jurisprudence.”

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Bukod sa pangunahing petisyon ni Binay, didinggin din ng CA ngayong Lunes ang tungkol sa mga kasong contempt na inihain ng alkalde laban kina Morales, Interior and Local Government Secretary Manuel “Mar” Roxas III, Justice Secretary Leila de Lima,Department of Interior and Local Government-National Capital Region (DILG-NCR) Director Renato Brion, NCR Police Office Director Carmelo Valmoria, Southern Police District Director Henry Ranola; at Senior Supt. Elmer Jamias.

Kinasuhan ni Binay ng contempt ang mga nabanggit sa pagtanggi ng mga itong ipatupad ang utos ng korte na pumipigil sa kanyang suspensiyon.