Isang panibagong respon-sibilidad ang iniatang sa dating Barangay Ginebra player na si Joaquin “Chito” Loyzaga matapos na italaga bilang bagong athletic director ng National University (NU).

Ito ang napag-alaman sa isang mapagkakatiwalaang source na ang 56-anyos na si Loyzaga, na minsan nang nagsilbi bilang UAAP commissioner at isa rin sa naging commissioner ng Philippine Sports Commission (PSC), ang itinalaga bilang bagong kapalit ni Edmundo “Junel” Baculi para sa pagpapatakbo sa aktibidad ng Bulldogs.

Matatandaan na si Baculi ay nagbitiw sa kanyang tungkulin matapos ang ika-77 taon ng UAAP.

Isa sa napipisil na balikan ni Baculi ay muling hawakan ang Hapee Toothpaste na posibleng umakyat sa propesyonal na liga sa susunod na taon.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Una nang itinala ni Baculi, bilang coach, ang pagbigay ng ilang kampeonato sa Hapee sa isinarang Philippine Basketball League (PBL).

Inaasahan naman si Loyzaga, na kinilala kamakailan lamang bilang isa sa 40 Greatest Players ng PBA, na bibitbitin ang kanyang malawak na karanasan sa iba’t ibang sports para dalhin ang National University na masungkit ang unang overall championships sa UAAP.

Si Loyzaga ay naging 7×PBA All Defensive Team (1985–1987, 1989–1992), dagdag pa ang PBA Mythical Second Team (1986) at ang Humanitarian/Citizenship Award (1993).

Sariwa pa ang NU Bulldogs sa pagkubra ng unang titulo sa men’s basketball, gayundin sa women’s division sa ilalim ng paggiya ni Patrick Aquino na siya naman itinalaga ngayon bilang national coach ng koponan na isasabak sa darating na 28th Southeast Asian Games sa Singapore.

Tanging nabigo lamang ang NU sa juniors division matapos maagawan ng korona ng karibal na Ateneo de Manila.