Ni BEN R. ROSARIO
Kinilabutan si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga 2nd District Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na isiping mapipiit din o papalitan siya sa piitan ng mga taong nagpakulong sa kanya kapag natapos na ang termino ng administrasyong Aquino sa 2016.
Ito ang opinyon ng ilang kapwa kongresista ni Arroyo batay sa naging reaksiyon ng huli sa biro ng isang kapwa nila mambabatas nang bisitahin kamakailan ang dating Pangulo sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa Quezon City, na roon halos apat na taon nang naka-hospital arrest si Arroyo.
Nang hingan ng update sa apela ng Kamara na gawing house arrest na lang ang hospital arrest kay Arroyo, ikinuwento ni Buhay Party-list Rep. Lito Atienza na sa minsan nilang pagbisita sa dating Pangulo ay isa sa mga kapwa nila kongresista ang nagbiro na malapit nang makalaya sa VMMC si Arroyo at papalitan ito ng mga opisyal ng gobyerno na humaharang sa pagpipiyansa ng dating Pangulo sa pagkakadetine sa VMMC na susunod na anim na taon.
“Magbalot-balot na kayo (Arroyo) dahil maraming papalit dito sa inyo,” biro umano ng hindi pinangalanang kongresista, na umani ng tawanan ng mga naroroon maliban kay Arroyo.
“I don’t even want you or anybody else to go through this same experience I have undergone. I hope and pray that none of them will replace me here,” ayon kay Atienza ay sinabi ng dating Pangulo.
Paliwanag ni Atienza, hindi maatim ni Arroyo ang isipin na ang mga kaaway nito sa pulitika, gaya ni Pangulong Benigno S. Aquino III at mga kaalyado nito, ay maranasan ang “same sad, tragic and painful” experience na pinagdadaanan nito.
Miyembro ng gabinete ni Arroyo, sinabi ni Atienza na sinsero ang dating Pangulo nang sabihin nito sa kanila na wala itong kinikimkim na sama ng loob sa Aquino administration.
Sa tulong ng international human rights lawyer at asawa ng Hollywood A-lister na si George Clooney na si Ama Clooney, nahaharap ngayon si Aquino sa mga akusasyon sa United Nations Committee on Human Rigths dahil sa paggiit umano na patuloy na makulong si Arroyo.