MEDYO may sinat ako isang umaga kaya inakong lahat aming kasambahay na si Roberta ang responsibilidad ng paghahanda almusal ng pamilya may anim na miyembro (kabilang siya roon). Nagising ako hindi sa amoy ng kanyang garlic rice at deep-fried tuyô kundi sa kalatog ng mga kasangkapan sa kusina. Hindi naman talaga maiiwasan ang ingay lalo na kung gahol sa oras.
"Halika na, Ati, komain na ka," sabi ni Roberta na taga-Mandaue, Cebu na nagpupumilit mag-Tagalog. Wala talaga akong ganang kumain noong umagang iyon kaya naupo na lamang ako sa harap ng mesa at ngumiti na lang sa aking esposo, dalawang anak at pamangkin na masiglang kumakain. "Ano na lang ang gusto mo, Ati, kapi? " tanong ni Roberta.
"Isang malaking baso ng malamig na gatas," sabi ko. Napatawa si Roberta, at sinabi, "Para kang bibi, Ati." Para raw akong baby.
Kahit anong lagay ng aking kalusugan, maging anong lagay ng panahon, hanap ng aking panlasa ang gatas. Pero hindi dapat akong ituring na paurong o parang sanggol dahil sa edad kong ito ay umiinom pa ako ng gatas. Ngunit kung puro gatas na lamang ang iniinom ko para mabuhay sa edad kong ito, maaari ngang sabihin mo, na para akong sanggol at dapat sanang kumain ako ng solid food noon pa.
Sa pamumuhay natin bilang mga Kristiyano, darating tayo sa puntong kailangan na nating lumipat mula sa mga payak na katotohanan ng kaligtasan - hindi ang iiwan na natin ang ating panlasa para roon. Laging mainam at nagpapasigla ang gatas. Ngunit hindi natin dapat iwala ang ating pagpapahalaga sa kapatawarang iginagawad ng Diyos at ang ating bagong buhay kay Kristo.
Nais ng Diyos na matutuhan natin ang Salita sa pamamagitan ng pag-aaral, pananalangin, pagninilay, pagsunod, at pagsubok. Kailangan nating matutuhan ang mga prinsipyong espirituwal upang magamit natin iyon sa ating buhay, ipahayag ang ating pananampalataya nang may kumpiyansa, at manindigan sa harap ng mga kaaway. Ang Salita ng Diyos sa Biblia ang solidong pagkain.