GOODBYE na ba sa showbiz ang isa sa mahuhusay na young actors ng GMA Network na si Derrick Monasterio para harapin muna ang studies?
Nakakatuwang makita na isinasabay ng young stars natin ngayon sa kanilang trabaho ang kanilang pag-aaral. Ang ilan sa mga nakita naming nag-post ng kani-kanilang graduation pictures ay sina Miguel Tanfelix noong March 21, magkasabay namang nag-post ng graduation pictures sina Derrick at Renz Valerio last March 26, nakita rin namin ang pagbati kay Sharlene Sanpedro ng ABS-CBN.
Nag-graduate si Derrick ng high school sa Angelicum College in Quezon City.
Kaya tinanong namin Manny Vallester, ang manager ni Derrick, kung itutuloy ng young actor ang studies sa college.
Ayon kay Manny, sa April 1 ay aalis ang kanyang talent para pumunta sa Florida, USA kung saan naka-base ang American father nito. Kakausapin ni Derrick ang ama para sa college course na gusto nitong kunin. Gusto ni Derrick na maging piloto someday, ang madalas niyang sagot kapag tinatanong ng reporters kung ano ang kukunin niya sa kolehiyo.
Hindi naman kataka-taka dahil bagay kay Derrick ang maging piloto. Now that he is 19 years old, he already stands 6”1” in height.
Para hindi makaabala ang kanyang pag-alis sa kanyang top-rating afternoon prime na The Half-Sisters, na extended pa naman hanggang June, nag-advance taping si Derrick ng mga eksena niya.
“Pero kailangang kausapin ni Derrick, tuloy bonding na rin nila ng ama,” sabi ni Manny. “Payag kasi ang daddy niya na kumuha siya ng aviation course, pero gusto nito, doon sa US mag-aral si Derrick. Gusto naman ni Derrick dito mag-aral para maituloy pa rin niya ang pag-aartista niya. Kaya magdi-depend iyon kung ano ang mapag-uusapan nila ng daddy niya. Tatagal doon hanggang April 30 si Derrick.”
Tiyak na malulungkot ang DerBie (Derrick and Barbie Forteza) fans kapag natuloy ang studies ni Derrick sa USA. Napapanood naman ang The Half-Sisters araw-araw pagkatapos ng Eat Bulaga sa GMA-7.