Nanawagan si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa lahat ng mananampalataya at parokya na makiisa at magbigay para sa ika-40 anibersaryo ng Alay Kapwa.
Ayon kay Tagle, ang Palm Sunday ay magkakaroon ng 2nd collection sa mga Simbahang Katoliko na magsasagawa ng misa sa buong bansa para sa kanilang Alay Kapwa program.
Umaasa si Tagle na maraming magkakaloob ng tulong at makikiisa sa kanilang programa para sa mahihirap.
Kaugnay nito, bilang tugon sa panawagan ng cardinal, sa Lunes Santo (Marso 30) ay pangungunahan ng Radio Veritas, CBCP-NASSA at Caritas Manila ang Alay Kapwa telethon sa Radyo para sa Caritas Damayan Disaster Risk Reduction Management Program.
Ayon kay Radio Veritas president at Caritas Manila executive director Fr. Anton Pascual, ang malilikom na pondo sa Alay Kapwa telethon ay gagamitin ng Social Action Centers ng Simbahang Katoliko sa kanilang mga programa para iangat ang kabuhayan ng mga mahihirap at tulungang makabangon ang mga biktima ng kalamidad sa bansa.
“Patuloy pa rin tayo sa ating krusada, sa Linggo mayroong Alay Kapwa na programa naman ng mga obispo sa Pilipinas upang itaas ang kamalayan sa kalagayan ng mga dukha sa ating bayan at makalikom ng pondo sa Palm Sunday, 2nd collection sa mga simbahan, at tayo naman sa Holy Monday ay mayroon tayong telethon sa Radio Veritas, kasi ang Alay Kapwa ay nagdiriwang ng 40 years, kaya’t layon nito na makalikom tayo ng pondo para sa mga disaster at biktima ng kalamidad sa ating bayanihan, “ ani Pascual.