KASABAY ng pagdagsa ng libu-libong magbibiyahe patungo sa mga iba’t ibang probinsiya ngayong Semana Santa, walang patid ang pangunguna sa pag-alalay sa publiko ng Rescue5, ang tanyag na Emergency Response Unit ng TV5, na maglulunsad ng 24-hour na Gabay Biyahe stations sa mga bus terminal at expressway.

Simula Lunes Santo hanggang Huwebes Santo, matatagpuan ang Gabay Biyahe station sa Araneta Center Bus Terminal. Sa Miyerkules Santo at Huwebes Santos, nasa Shell gasoline station sa Balagtas, Bulacan- North Luzon Expressway naman ang puwersa ng Rescue5.

Buong araw at buong magdamag silang magbibigay ng iba’t ibang libreng serbisyo tulad ng first aid at pagpapasuri ng blood pressure, libreng tawag at charging ng electronic devices sa tulong ng Smart Communications Inc. (Smart) at ng One Meralco Foundation. Mayroon ding libreng inuming tubig hatid naman ng Maynilad. Katuwang din ng Rescue5 ngayong Semana Santa ang Araneta Center, Pilipinas Shell at ang Radyo5 92.3 News FM.

Bilang paalaala ng pag-iingat sa publiko, mapanonood at mapakikinggan ang Aksyon sa Kalsada road safety plugs ng Rescue5 araw-araw sa TV5, Aksyon TV at Radyo Singko 92.3 News FM. 

Rep. Ortega may sagot kay VP Sara: 'Patawarin muna ang sarili'

“Bukod sa pagbibigay ng mahahalagang tips para sa ligtas na biyahe, nakahanda rin kaming rumesponde sa ating mga Kapatid na mangangailangan ng agarang tulong,” ani TV5 Public Service Head Sherryl Yao.

Para sa anumang emergency, maaaring tumawag sa Rescue5 hotline 9225155, mag-post sa Twitter account: @RESCUE5PH at Facebook page: www.facebook.com/RESCUE5PH.