NAIPIT si Joe Devance ng Purefoods sa matinding depensa nina Tony dela Cruz at Damion James ng Alaska sa kainitan ng kanilang laro noong Biyernes sa Smart Araneta Coliseum.    Tony Pionilla

Mga laro ngayon: (Smart Araneta Coliseum)

3 p.m. Alaska vs. Purefoods

5 :15 p.m. Meralco vs. NLEX

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Pormal na makausad sa semifinal round ang kapwa tatangkain ng defending champion Purefoods Star at Meralco sa magkahiwalay na laro nila ngayon sa pagpapatuloy ng 2015 PBA Commissioner’s Cup sa Smart Araneta Coliseum.

Tatangkain ng Star Hotshots at ng Bolts, pumasok na No. 3 at No. 4 team sa 8-team quarterfinals, ang panalo sa kanilang best-of-3 series upang ganap na maangkin ang semifinals berth.

Tinalo ng Star Hotshots ang No. 5 seed na Alaska Aces sa una nilang laban noong Miyerkules, 120-86, habang ginapi naman ng Bolts ang No. 6 seed na NLEX Road Warriors, 97-82, upang makahakbang palapit sa semis.

Ngunit para matupad ang kanilang ninanais, umaasa si Bolts coach Norman Black na mas pag-igihan pa ng kanyang mga player ang kanilang teamwork at magtulungan din sa depensa kontra sa mahusay na import ng Road Warriors na si Al Thorton.

“Much better effort from us as much as our teamwork is concerned. Much better at sharing the basketball,’’ ani Black. “We really have to help on defense against Thorton.”

Dito niya sasandigan ang import na si Joshua Davis at local standouts na sina Gary David, Mark Macapagal, Sean Anthony, Reynel Hugnatan at Cliff Hodge.

Sa panig naman ng Road Warriors, dobleng effort o ‘di man ay triple, ang tiyak na aasahan ni coach Boyet Fernandez mula sa kanyang locals upang suportahan si Thorton, partikular sina Asi Taulava, Mac Cardona, Rico Villanueva at Jonas Villanueva.

Para naman kay Hotshots coach Tim Cone, kailangan nilang tapusin ang trabaho bago sila makuntento.

“This one doesn’t mean much unless we come out and beat them (Alaska) on Sunday (today),” pahayag ni Cone matapos ang kanilang panalo sa Game One.

Naniniwala din si Cone na may kapasidad ang Aces na bumangon lalo pa at nakaranas ang mga ito ng malaking pagkatalo na magsisilbing hamon sa kanila upang bumalik sa susunod na laban.

“Bounce back ability is very high for them. They’re gonna use this as motivation. We can’t be happy about this one. We have to comeback out with a similar effort,” dagdag pa ni Cone.

Muli, kukuha ng lakas si coach Cone kay import Denzel Bowles katulong sina James Yap, Marc Pingris, Mark Barroca, PJ Simon at Joe Devance kontra sa Aces na nakaantabay naman sa mas angat na laro nina import at dating San Antonio Spurs Damion James, Cyrus Baguio, Vic Manuel, Calvin Abueva, Sonny Thoss at Jayvee Casio.