Tiniyak kahapon ng Malacañang na ginagawa ng gobyerno ang lahat ng legal na paraan upang mailigtas ang buhay ng isang Pinay na nasa death row sa Indonesia.
“Ginagawa naman po ng ating pamahalaan ‘yung ating magagawa within the legal framework of Indonesia to be able to push for her case,” sabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte.
“The Philippines will continue to push other legal avenues to help her case,” aniya.
Inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na tinanggihan ng Indonesian Supreme Court ang inisyal na apela para sa judicial review sa kaso ni Mary Jane Fiesta Veloso.
Ayon sa DFA, ang petition for judicial review ay inihain ng gobyerno ng Pilipinas sa unang bahagi ng taong ito makaraang mapag-alaman na tinanggihan ni Indonesian President Joko Widodo ang apela para sa clemency na ginawa ni Pangulong Benigno S. Aquino III, sa pamamagitan ng isang liham na may petsang Agosto 23, 2011.
Idinagdag pa ng DFA na itinakda nito ang pagbisita ng pamilya ni Veloso sa kanyang kinapipiitan noong Pebrero 19-21.
Nahulihan ng 2.6 kilo ng heroin sa Yogyakarta airport mula sa Malaysia noong Abril 2010, kabilang si Veloso sa 10 hinatulan na mamatay sa firing squad sa Indonesia.