Mistulang ‘penitensiya’ para sa mga motorista ang napipintong pagpapatupad ng oil price hike ng mga kumpanya ng langis sa bansa na sasabay sa pag-uwi ng libu-libong pasahero sa mga probinsiya ngayong Semana Santa.

Sa inilabas na pagtaya, posibleng tumaas ng P1.10 ang presyo ng kada litro ng gasolina habang 55 sentimos naman sa diesel.

Ang nagbabadyang oil hike ay bunsod sa pagtaas ng presyuhan ng langis sa pandaigdigang pamilihan at ang pangambang pagkadiskaril ng suplay nito dahil sa patuloy na airstrike na ikinasa ng Saudi Arabia.

Ang Saudi Arabia ang pangunahing piinagkukunan ng ng langis ng maraming bansa, kabilang na ang Pilipinas.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Samantala, hindi naniniwala ang ilang transport group, partikular ang Pasang Masda, sa dahilan ng mga kumpanya matapos igiit na sa tuwing Kuwaresma ay nagtataas ang mga ito ng presyo ng petrolyo na tinawag na maagang penitensiya at tila ipinapako sa krus ang mga motorista at pasahero.

Ayon kay Obet Martin, pangulo ng Pasang Masda, dapat mahiya ang mga kumpanya na magtaas ng presyo ng petrolyo alang-alang man lang sa Semana Santa.

Noon pang 2005 hanggang 2014, sa tuwing sasapit ang Semana Santa, ipinapatupad na ang oil hike ng mga kumpanya.

Noong Marso 24, nagtapyas ang mga kumpanya ng P1.10 sa presyo ng gasolina, P0.95 sa diesel at 90 sentimos naman sa kerosene matapos bumaba ang contract price ng langis sa pandaigdigang merkado.