BORACAY ISLAND, Aklan- Magdaragdag ng mga barko ang iba’t ibang kumpanya ng RO-RO (roll on-roll off) sa isla ng Boracay patungong Luzon at vice versa ngayong Semana Santa.
Ayon kay Lt. Commander Jimmy Oliver Vingno, ng Philippine Coast Guard-Caticlan layunin ng pagdaragdag ng mga barko na maserbisyuhan ang mga turista na nagnanais na magbakasyon sa isla sa long weekend.
Noong panahon ng Christmas at New Year, naranasan ang mahabang pila ng mga turista sa isla ng Boracay dahil sa kakulangan ng barkong bumibiyahe patungong Batangas at Mindoro. Kakatapos lang kasi ng bagyong ‘Seniang’ noong bagong taon dahilan para hindi kaagad nakapaghanda ang mga kumpanya ng RO-RO na makapag dagdag ng barko.
Nagbigay din ng tips ang PCG sa mga turistang bibiyahe patungong Boracay dahil target nitong abutin ang zero sea incidents sa Semana Santa.
Ilan sa mga iwas-disgrasya tips na inirerekomenda ng PCG ay ang pagsusuot ng life jacket habang sakay ng bangka, iwasang sumakay sa mga colorum na bangka, huwag maligo nang mag-isa lalo na kapag lasing, huwag pabayaan ang mga batang walang kasama habang namamasyal at maging alerto habang nasa biyahe.