Sa layuning maisalba ang Bangsamoro Basic Law (BBL) sa epekto ng Mamasapano operation, nagbuo si Pangulong Benigno Aquino III ng isang pangkat ng independent convenors para himayin at ilako ito sa publiko.
“Batid ko po na ang mga pangyayari sa Mindanao, kasama na ang insidente sa Mamasapano, ay nagdulot ng pagdududa sa isip ng ating mamamayan. Ang resulta: Nailayo ang usapan sa obhetibong ebalwasyon ng BBL,” anang Pangulo sa kanyang talumpati sa paggunita sa unang anibersaryo nang paglagda ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) sa Palasyo noong Biyernes.
Kabilang sa aniya’y citizen leaders na kanyang inimbitahan para tumayong independent convenors ay sina Luis Antonio Cardinal Tagle, dating Chief Justice Hilario Davide, Jr., Jaime Augusto Zobel de Ayala, Howard Dee, at Bai Rohaniza Sumndad-Usman.
Sinabi ng Pangulo na pangungunahan nila ang isang National Peace Summit na bubusisi at tatalakay sa BBL sa mahinahon at risonableng paraan na hindi mag-uudyok ng mga galit at kawalan ng pag-asa.
“Gagawa sila ng ulat na isasapubliko upang mabasa ng lahat, at makatulong sa higit na pag-unawa ng ating mamamayan. Sa ganitong paraan, maisusulong natin ang makatwirang pagpapasya ukol sa BBL,” dagdag pa niya.
Giit ng Pangulo, ang BBL ang isa sa pinakamahalagang panukalang batas ng kanyang administrasyon na tutugon sa dalawang pinakamalubhang problema ng bansa na kahirapan at karahasan at produkto ito ng 17 taon ng masusing pag-aaral at negosasyon.
“Ang desisyong ito ay hindi lamang para sa natitirang panahon ng aking termino, kundi para sa kapakanan ng susunod na mga henerasyon,” sabi pa niya.