Ipinag-utos kahapon ni Pangulong Benigno S. Aquino III sa mga kinauukulan na siguruhin ang kaligtasan ng mga mamamayan na maglalakbay sa kanilang mga probinsiya para gunitain ang Semana Santa.
Ito ang sinabi ni Communications Sec. Sonny Coloma kung saan mahigpit ang naging tagubilin ng Pangulo sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan para sa kaligtasan at kapakanan ng mga mamamayan na magsisiuwi sa kanilang probinsiya upang makapiling ang mga kamag-anak at kaibigan.
Sinabi ni Coloma, sa direktiba ng Pangulong Aquino, sakop ang kaayusan sa mga bus terminal, pantalan at paliparan at ang kaligtasan ng lahat ng uri ng sasakyang pampubliko.
Ayon pa sa kautusan ng Pangulong Aquino, na bigyan ng mabilis na pagtugon ang mga pangangailanan ng mga magbabakasyon sa pamamagitan ng paglalagay ng public assistance desks sa mga terminal na inaasahang dadagsain ng libu-libong pasahero.
Iniutos din ng Pangulo na maging maayos at mabilis ang pagbabayad ng motorista sa mga toll sa expressway na kinabibilangan ng SLEX, STAR, CAVITEX, COASTAL HIGHWAY, NLEX, SCTEX, at TPLEX na taliwas sa nagyari noong nakaraang taon na umaabot ng ilang kilometro ang pila.
Mahigpit din ang bilin ng Pangulo sa DoTC at LTFRB na tiyakin na sapat ang bilang ng mga pampublikong sasakyan, walang overloading, at maayos ang mga terminal.
Ipinagbabawal din ang pagbiyahe ng mga kolorum at tiyakin na may kaukulang special permit ang mga sasakyan.
Ipinag-utos din ng Pangulo sa Philippine Port Authority at Philippine Coast Guard na siguruhing maayos ang mga pier, walang overloading, maayos ang mga terminal, walang palusutan sa manifesto, may sapat na safety devices ang mga barko, ang lahat ay seaworthy at magtalaga ng Public Assistance Center sa bawat pantalan.
Pinatitiyak din sa DoTC ang maayos na mga paliparan, maayos ang pagpila at pagpasok ng mga biyahero, gumagana ang mga X-ray machine, may sapat na tao para tugunan ang mga pangangailangan (maging ang airline companies), hindi maulit ang mga karanasang nangyari noong nakaraang Pasko at magtalaga ng Public Assistance Desk sa bawat paliparan.
Inatasan din ang DPWH na dapat ay nasa ayos ang mga kalsadang dadaanan ng mga pampublikong sasakyan at motorista, walang mga sagabal, walang mga nakabinbing repair na maaring maging dahilan ng mabagal na trapiko.
Inatasan din ang Philippine National Police (PNP) na magtalaga ng public assistance centers sa mga strategic na lugar sa loob ng expressway at daraanan ng iba’t ibang pampublikong mga sasakyan at motorista.
Mahigpit din na inutos sa PNP ang pagtatalaga ng sapat na tauhan sa lahat ng pantalan, paliparan, at estasyon ng bus na mangangalaga ng kaayusan, katahimikan at kaligtasan ng maglalakbay.
Laging paghadaan din ng PNP ang mabilis na pagtugon sa mga emergency, lalo na sa mga nangyayaring aksidente, at maging sa sunog na rin (sa Metro Manila), at kriminalidad.
Ibinilin din sa mga hospital ang madaliang pagresponde sa anumang maging pangangailangan sa mga sakuna sa lansangan at karamdamang maaring idulot ng tag-init.
Pinasisiguro naman sa National Power Corporation (NAPOCOR) ang supply ng kuryente upang maiwasan ang brownout at higit sa lahat ay huwag kalimutan ang first-aid kit sa paglalakbay.