KUMPIRMADONG tatakbo muli ang dating pangulo at ngayon ay Manila Mayor Joseph Estrada sa pagkaalkalde ng siyudad. 

Kinumpirma ito sa amin ng kanyang trusted office staff, na nagkuwentong kamakailan ay nagkausap nang masinsinan sina Mayor Erap at Vice Mayor Isko Moreno. Nagkasundo ang dalawa na ipagpapatuloy pa rin ng una ang pagsisilbi sa kanilang constituents bilang mayor ng siyudad. 

Matandaang ipinangako ng dating pangulo hindi lang kay VM Isko kundi maging sa mga taga-Manila na pang-isang termino lang siya at pagkatapos ay ibibigay niya ang puwesto bilang ama ng siyudad kay Isko na noon pa man ay pangarap nang maging alkalde ng Maynila. 

Pero sa pag-uusap ng dalawa ay madaling bumigay at pumayag si Isko sa hangarin ni Erap na magpatuloy sa pagsisilbi sa Maynila bilang mayor. Kasabay din ng pangako raw muli kay Isko na susuportahan niya nang husto ang pagtakbo nito para senador.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Pero kung madaling napapayag ni Erap si Isko, marami naman sa mga taga-Maynila ang nagtatampo raw sa una. Para sa kanila raw ay hinog na hinog na si Isko upang maging mayor ng siyudad at wala raw silang ibang susuportahan sa pagiging ama ng siyudad ng Manila kung hindi ang lehitimong taga-Maynila na nagmula sa Tondo. 

Samantala, nagkalat na ngayon sa Bulacan, Quezon City at sa iba pang mga karating lugar ng Manila ang tarpaulin ng pagbati ni Isko na nagpapahiwatig sa ambisyon niyang maging senador.