Kapanalig, marami ang skilled construction worker na gumagawa ng matatayog na gusali ngunit ni singko walang maipagpagawa ng sarili nilang tahanan. Ang buhay trabahador ay buhay ng banat-butong pagkayod. Mula umaga hanggang hapon, mabibigat na trabaho ang kanilang hinaharap. Halos buwis-buhay ang kanilang hanapbuhay. Maraming isyu sa grupo ng mga construction worker. Ang mga isyu na ito, kadalasan, ay mas masaklap pa kumpara sa ibang sektor sa ating bansa.

Karamihan sa mga construction worker sa ating bansa ay bahagi ng informal sector. Ayon sa International Labor Organization (ILO), ang mga manggagawa sa sektor na ito ay hindi rehistrado at hindi sakop ng mga social protection at labor program ng gobyerno. Ayon sa 2013 Labor Force Survey, tinatayang nasa 16 milyon 42.53% ng populasyon ng mga employed sa bansa ay kabilang sa informal sector.

Dahil nasa informal sector ang construction workers, marami sa kanila ang wala sa opisyal na listahan ng construction companies. Wala silang benepisyo gaya ng SSS o Pag-ibig. Marami sa kanila ay mas mababa pa sa minimum wage ang kinikita. Sa gitna ng kanilang trabaho na mas mataas ang hazard o risk, tila barya lamang ang kanilang kita, wala pa silang kasiguruhan kung sila ay magbibigyan ng health care kung madisgrasya sila habang nagtatrabaho.

Kapanalig, ang mga taong ating laging nakakasalamuha, gaya ng mga construction worker, ay dehado sa ating lipunan. Mukha man silang matigas at malakas, sila pala, kasama ang kanilang pamilya, ay isa sa mahihina sa ating lipunan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ang ating lipunan ay hindi dapat maging bulag sa kapakanan at pangangailangan ng mga miyembro nito. Kadalasan kasi, ang batayan at sukat natin sa halaga ng tao ay base sa taas ng pinag-aralan at antas sa buhay. Hindi natin nakikita na ang tunay na timbangan ay wala sa ginto o yaman, ngunit nasa kaibuturan ng ating pagkatao, na puspos ng dignidad mula sa pagmamamahal ng Diyos. Sa Diyos, tayo ay pantay-pantay. Hindi lahat tayo magiging mayaman, pero baka pwede naman hindi ganito kahirap ang ating mga kasamahan na tunay na nagbabanat ng buto. Sa ating mga pinuno, iangat naman natin sila.