Mga laro ngayon: (MOA Arena)

3 pm Talk ‘N Text vs. Barako Bull

5:15 pm Rain or Shine vs. Ginebra

Pormal na makausad sa semifinals ang tatangkaing maisakatuparan ng top seed na Rain or Shine at second seed na Talk ‘N Text sa pagsabak nila ngayon sa magkahiwalay na laro sa pagpapatuloy ng quarterfinal round ng 2015 PBA Commissioner’s Cup sa MOA Arena sa Pasay City.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Dahil tumapos na nasa top two spots makaraan ang eliminations, taglay sa ngayon ng Elasto Painters at ng Tropang Texters ang bentaheng twice-to-beat.

Nakatakdang sumabak ang Rain or Shine sa No. 8 team na Barangay Ginebra habang makasasagupa naman ng Tropang Texters ang No. 7 team na Barako Bull.

Inaasahang magiging mainit ang dalawang laban, partikular ng Kings at Elasto Painters, matapos ang nangyari sa nakaraan nilang laro kung saan ay pinagmulta ng malaki ang dalawang big men ng huli na sina Raymund Almazan at Beau Belga dahil sa ginawa nilang pagpatol sa fans ng una nang nangutya sa kanila.

Gayunman, sinabi ng dalawa na natuto na sila ng leksiyon sa nangyari, ngunit nandoon din ang panawagan na bigyan naman sila ng respeto at maging ng kanilang mga pamilya nilang nanonood sa kanila bilang mga tao.

Malaki ang magiging papel nina Belga at Almazan para sa hangad nilang pag-usad sa finals lalo pa at siguradong iaatang sa kanilang balikat ang pagpigil kina Kings import Michael Dunigan at twin towers na sina Greg Slaughter at Japeth Aguilar.

Ngunit maliban sa kanila, aasahan din ni coach Yeng Guiao ang Gilas standouts na sina Jeff Chan, Gabe Norwood at Paul Lee para makipagsabayan sa kabilang kampo na pangungunahan naman nina Chris Ellis, Mark Caguioa, Joseph Yeo at LA Tenorio.

Samantala, sa unang laro, sisikapin ng Tropang Texters na magamit ang hawak na bentahe para makalapit sa inaasam na paglapit sa kampeonato.

Sa panig naman ng Barako, target ni coach Koy Banal na maibalik ang larong ipinakita ng Energy Cola sa simula ng conference kung saan nila nakamit ang best start ng prangkisa sa liga.