PAKIKIISA ● Magsisimula na ang Earth Hour na ipagdiriwang sa buong daigdig mamayang 8:30pm – ang sabay-sabay na pagpatay ng mga ilaw. Sa loob ng isang oras na pagkakaisa ng sangkatauhan upang pagpahingahin ang daigdig, ano ba ang maaaring gawin sa dilim?

Puwedeng mag-candlelight dinner sa piling ng mga mahal sa buhay, ang iguhit ang side-view profile ng mga miyembro ng pamilya o barkadahan sa isang papel na naka-scotch tape sa dingding gamit ang lapis o ballpen o krayola at liwanag ng kandila; o para mas masaya, iguhit ang mga uri ng hayop habang walang ilaw at kapag binuksan na ang mga ilaw pagsapit ng 9:30pm, tiyak na pagtatawanan ninyo ang sarili ninyong obra maestra. Sa loob ng maigsing oras na ito, mailalabas mo rin ang iyong pagkamalikhain habang nakikiisa ka sa pagsagip sa ating planeta sa tiyak na pagkasira.

***

FULLY-BOOKED ● Siksik, liglig, at uumapaw – ito ang mga katagang mababasa sa Biblia (Lucas 6:38) na tumutukoy sa mga biyaya mula sa Diyos sa mga taong bukas-palad. Ngunit ito rin ang mga pang-uri sa lagay ng turismo ngayon sa Kalibo, Aklan, partikular na sa Isla ng Boracay. Ang Semana Santa kasi ay hindi lamang panahon upang pagnilayan ang kaugnayan ng mga mananampalaya sa Diyos, ang sanlinggong pagkakataon upang suriin ang konsiyensiya at magplano ng mga hakbang upang mapaangat at mapaigting ang ating relasyon sa Dakilang Maykapal at sa ating kapwa kundi pati na rin ang mapalaya natin ang ating sarili sa magulong mundong ating ginagalawan. Ngunit may nakapag-ulat na isang linggo pa lamang bago ang Santa Semana, na magsisimula na susunod na linggo, fully-booked na ang mga resort sa premyadong isla ng turismo. Pati umano ang mga bahay-bahay na malapit sa mga bakasyunan at resort ay wala nang available na kuwarto para sa mga bakasyunistang magtatampisaw sa malamig na dagat. Kaya kung binabalak mong magdaos ng Semana Santa sa Boracay, sa ilalim ka na lang ng puno ng niyog tumayo – iyon ay kung may natitira pang espasyo para sa iyo. Peak season ngayon sa Boracay. Kaya kung sa susunod na taon binabalak mong idaos ang iyong Santa Semana Escapade sa Boracay, palipasin mo muna ang okasyon ngayon at saka ka pumunta roon. Pumili ka ng iyong resort hotel o apartment o boarding house at magpa-reserve ka na. Wala nang hassle, wala nang worry, at garantisado na ang iyong pagninilay-nilay habang lumulutang ka sa mala-kristal sa linaw ng dagat ng Boracay.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists