TARLAC CITY— Inihayag ni Tollways Management Corporation (TMC) Communications Specialist Francisco Dagohoy na maglalaan ng mga express exit sa northbound ng Dau Toll Plaza ng North Luzon Expressway (NLEx) ngayong Miyerkules at Huwebes Santo (Abril 1-2) upang hindi maging abala ang inaasahang bulto ng mga motorista na magbabakasyon sa mga probinsiya at daraan din sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEx).

Aniya, bukas ang mga express exits mula 2:00 ng hapon ng Miyerkules Santo hanggang 4:00 ng hapon ng Huwebes Santo.

Sa mga regular na araw, magbabayad sa Dau Toll Plaza ng NLEx saka magbabayad uli sa may Mabalacat Toll Plaza ng SCTEx.

Ipinaalala rin ng TMC na ang mga sasakyan na may nakakabit na Easytag o Easytrip ay kinakailangan pa ring pumasok sa partikular na linya para sa kanila.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Dahil magiging bukas ang Dau Toll Plaza, maglalagay ng temporary collection points para sa mga hindi didiretso ng SCTEx at lalabas sa Dau Northbound Flyover patungong MacArthur Highway at sa Sta. Ines Exit na parehong nasa Mabalacat, Pampanga.

Ang mga sasakyan na magmumula sa Balintawak ng NLEx at didiretso ng Tarlac Exit ay sisingilin na ng P277 sa may Mabalacat Exit pa lamang ng SCTEx habang ang mga galing ng Balintawak na pupuntang Subic-Tipo Exit ay P363 ang dapat bayarin.

Layunin nito na mabawasan ang paghaba ng pila sa Subic-Tipo Exit ng SCTEx at lalo na sa Tarlac Exit kung saan nagsasalubong ang SCTEx at Tarlac Pangasinan- La Union Expressway.