Ni JENNY F. MANONGDO
Pinarangalan ng Manila Electric Company (Meralco) ang Manila City government matapos mabayaran ang malaking utang nito sa kuryente na umabot sa P613 milyon.
Ipinagmalaki ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada na nabayaran ng lokal na pamahalaan ang P613 milyong utang sa Meralco sa pamamagitan ng installment scheme na nagsimula noong 2013.
Nang umupo siya sa puwesto bilang alkalde, bumulaga kay Estrada ang malaking utang sa kuryente kasabay ng banta sa Meralco na puputulan ang city hall ng supply ng elektrisidad kung hindi agad ito mababayaran.
Unang nagpadala ng liham ang Meralco kay noong panahon ni Manila Mayor Alfredo Lim dahil sa pagkakautang ng siyudad sa kumpanya ng P598,257,513.09.
Nang maupong mayor si Estrada, agad itong nakipagkasundo sa Meralco na babayaran ang utang sa kuryente subalit sa installment basis lamang.
“Tinakot pa kami dahil puputulan daw kami ng kuryente. Pero sinabi ko sa kanila na puputulin din namin ang kanilang mga poste sa Maynila,” pabirong inihayag ni Estrada.
Noong Marso 18, ginawaran ng Meralco ang pamahalaan ng Maynila ng Special Luminary Award matapos mabayaran nito ang halos P57 milyong utang sa supply ng tubig at P517 milyong halaga ng withholding tax na kinolekta ng administrasyon ni Lim mula sa mga empleyado subalit hindi ibinayad sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
Tadtad din ng utang ang Manila city government sa mga supplier at kontratista.
Subalit sa pagsapit ng Hulyo, umaasa si Estrada na mababayaran na ang lahat ng utang ng lokal na pamahalaan mula sa mga utility company.
Ito ay dahil sa pagtaas ng revenue collection ng siyudad bunsod ng adjustment na ipinatupad sa real property tax, business tax at community tax.
Bunsod nito, nakakolekta ang city government ng karagdagang P2.2 bilyon mula sa buwis.